5 buses, inilaan sa Libreng Sakay program ng OVP
ni Lolet Abania | August 3, 2022

Naglunsad ang Office of the Vice President (OVP) ngayong Miyerkules ng kanilang free bus ride program, kung saan nagdagdag sila ng dalawang bus na daraan sa EDSA Bus Carousel route at tatlo pa sa Visayas at Mindanao.
Personal na pinangunahan ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte ang ceremony sa Parañaque Integrated Terminal Exchange, kasama si Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista.
Sa kanyang speech, sinabi ni VP Sara na sabay-sabay na inilunsad ang proyekto sa iba pang key areas sa Visayas at Mindanao. May kabuuang limang bus ang inisyal na inilaan para rito – dalawa sa mga ito ay ide-deploy sa Metro Manila, isa sa Davao City, isa sa Cebu, at isa sa Bacolod.
“We hope that through this program, we will be able to provide relief to some of our fellow Filipinos who rely on public transport for their daily commute to work, to school, and to many other places,” pahayag ni VP Sara.
Ayon sa spokesperson ng bise presidente na si Atty. Reynold Munsayac, sa National Capital Region (NCR) ang mga bus ay daraan sa EDSA bus carousel route mula alas-4:00 ng madaling-araw hanggang alas-10:00 ng umaga at alas-4:00 ng hapon hanggang alas-10:00 ng gabi.
Nabanggit naman ni Munsayac ang usapin tungkol sa payment issues sa EDSA Bus Carousel, aniya hindi ang gobyerno ang magbabayad sa mga bus drivers at conductors dahil sasagutin ito ng private sector.
“Basically ang sagot ng OVP dito ay gasolina, ‘yung repair, at maintenance ng sasakyan.
Buti na lang ‘yung gastos sa driver at sa konduktor ay sinagot din ng mga nagpahiram sa ‘tin ng bus,” saad ni Munsayac.
“Ito ho, wala namang obligasyon ang LTFRB o DOTr na bayaran kasi kung baga, ‘yung pagpapahiram ng Office of the Vice President na ito na ipinahiram din sa ‘min ay wala ring kakargahin dito ‘yung gobyerno,” dagdag ng opisyal.
Ayon kay VP Sara ang mga bus ay ipinahiram sa kanila ng pribadong sektor sa panahon ng campaign period. Matapos ang eleksyon aniya, nagdesisyon ang OVP na i-deploy na lamang ang mga bus sa iba’t ibang bahagi ng bansa para suportahan ang “Libreng Sakay” ng DOTr sa ilalim ng nationwide service contracting program ng gobyerno.
Tinanggap naman ito ni Bautista na aniya, ang mga additional buses sa kahabaan ng EDSA busway ay makatutulong sa mga commuters lalo na kapag rush hours, maging sa mga estudyante na nakatakda nang magbalik sa in-person classes.
“Ito ay makakatulong sa mga manggagawang kailangang magtrabaho habang pasan ang bigat na dulot ng pagtaas ng presyo ng langis at iba pang mga bilihin. The Vice President’s help can also be used when face-to-face classes restart. Malaking tulong ang libreng sakay sa ating mga estudyante,” ani Bautista.
Sinabi pa ni Munsayac na ang free ridership program ng OVP ay ipapatupad sa susunod na anim na taon habang sisikapin nilang magdagdag pa ng mga bus na bibiyahe sa ibang mga ruta gaya ng Commonwealth area.





Comments