4th dose ng COVID-19 vaccine, posible
ni Ryan Sison - @Boses | March 6, 2022
May posibilidad na magbigay ng ikaapat na dose ng COVID-19 vaccines ang pamahalaan.
Ito ang sinabi ng Department of Health (DOH), kung saan uunahin umano ang mga senior citizens at mga taong may comorbidities.
Paliwanag ng kagawaran, kasalukuyang nagsasagawa na ng pag-aaral ang kanilang mga eksperto para sa ikaapat na dose ng bakuna sa nabanggit na mga grupo, habang hindi pa umano inirerekomenda ang pangalawang booster sa natitirang populasyon.
Gayundin, may inilaan umanong pondo para sa pagbili ng mga bakuna at pagsasagawa ng mga operasyon sa bakunahan, ngunit itutuloy lamang ito ng DOH kung magbibigay na ng ‘go signal’ ang mga lokal na eksperto.
Sa totoo lang, magandang balita na kaya nating bigyan ng karagdagang proteksiyon laban sa COVID-19 ang vulnerable sectors tulad ng mga senior citizen ay may mga karamdaman, pero bago ang lahat, tiyakin nating handa tayo sakaling maaprubahan ito.
Kumbaga, kumbinsido na ang mga target mabigyan ng karagdagang dose at kumpleto ang pag-aaral sa pagbibigay nito.
Habang nagsasagawa ng mga pag-aaral, dapat tutok pa rin ang pamahalaan sa nagaganap na vaccination program sa buong bansa, lalo pa’t patuloy tayong nahaharap sa iba’t ibang hamon hinggil sa pagbabakuna.
Tulad na lang ng vaccine hesitancy, lalo na sa mga senior citizens dahil matatandaang malaking bilang pa rin sa naturang grupo ang hindi pa bakunado laban sa COVID-19.
Kung malalabanan natin ito at makakamit ang target na bilang ng mababakunahan, mas makakapagpokus tayo sa pagbibigay ng booster shot.
Malaking tulong ang karagdagang proteksiyon kontra COVID-19, pero tulad ng paulit-ulit nating pakiusap, sana ay handang-handa tayo sa anumang posibleng mangyari.
Wala tayong ibang hangad kundi maproteksiyunan ang milyun-milyon nating kababayan laban sa sakit.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments