4M ang TODA members, 113K lang may ayuda?!!
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | March 23, 2022
MAY DAHILAN ANG TODA PARTYLIST NA MADISMAYA KASI 4M ANG TODA MEMBERS, TAPOS 113K LANG BIBIGYAN NG AYUDA NG PAMAHALAAN —Nanawagan si TODA partylist nominee Alvin Feliciano sa pamahalaan na dagdagan ang bilang ng mga tricycle drivers na mapasama sa mabibigyan ng ayuda sa ilalim ng Pantawid Pasada Program dahil ang pagkakalooban lang ng gobyerno ng ayuda ay 113,000 tsuper ng traysikel, gayong higit 4 milyon umano ang miyembro ng TODA (Tricycle Operators and Drivers Association) sa buong bansa. May dahilan talaga si Feliciano na madismaya, kasi mantakin n'yo, higit 4 milyon pala ang kasapi ng TODA sa buong bansa, tapos 113,000 TODA members lang ang bibigyan ng ayuda, tsk !
◘◘◘
ARIANA GRANDE NAPA-WOW SA DAMI NG TAONG DUMALO SA PEOPLE'S RALLY NI VP LENI — Maging ang international, American singer na si Ariana Grande ay napa-wow sa dami ng mga taong dumagsa sa people's rally ni presidential candidate, Vice Pres. Leni Robredo sa Pasig City.
Mapapa-wow talaga, kasi nang maglaban sa pagka-presidente ng Amerika sina United States (US) Pres. Joe Biden at former US Pres. Donald Trump ay walang ganun karaming tao ang dumalo sa kanilang mga political rally sa Tate.
Kulang na lang, mag-post sa social media si Ariana Grande na sapaw sina Biden at Trump kay Leni kung paramihan ng mga taong dadalo sa political rally ang pag-uusapan, boom !
◘◘◘
MAYOR SARA PURO KANTIYAW INABOT SA MGA KATUNGGALI NIYA SA PAGKA-VP —Puro kantiyaw ang inabot ni vice presidential candidate, Mayor Sara Duterte sa mga katunggali niya sa vice presidential race dahil sa pang-iisnab niya sa pa-debate ng Comelec.
Kantiyaw talaga aabutin, kasi mantakin n'yo, abogado siya at anak pa ni P-Duterte na presidente ng Pilipinas, tapos takot humarap sa debate, period!
◘◘◘
ANAK NG MATAPANG NA PRESIDENTE, NAGPAPAKITA NG KARUWAGAN SA DEBATE — Dapat payuhan ni P-Duterte si Mayor Sara na dumalo sa mga debate.
Sa totoo lang, hindi kasi magandang tingnan na ang kilalang matapang na presidente na si P-Duterte, ay may anak na nagpapakita ng karuwagan sa debate, boom!





Comments