top of page

43-anyos, gusto nang mamili sa 2 foreigner na manliligaw

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 22, 2021
  • 3 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| July 22, 2021



Dear Maestro,

Naniniwala ako sa puwersa ng mga numero sa buhay ng tao, sa iyo at sa iyong kaalaman, kaya naisipan kong sumangguni. Maaari n’yo ba akong bigyan ng gabay sa pagpili ng suwetong tao para sa aking personalidad batay sa mga numero? May dalawang foreigner akong manliligaw at ayaw kong magkamali sa susunod kong pakikipagrelasyon dahil nasaktan na ako noon ng kapwa Pinoy, at kung may papait pa sa ampalaya sa pag-describe ng sinapit ko sa kanya, ‘yun na ‘yun!

Ang kaarawan ko ay August 16, 1977, habang ang isa kong manliligaw ay January 3, 1972 na una kong nakilala na pino ang kilos at malambing magsalita. Habang ‘yung isa naman ay February 19, 1975 na maliksi ang kilos at may pagka-bruskong manalita. Pero pareho naman silang mabait at may ipinapangako. Gusto ko ang mga numerong 1, 10 at 19 dahil may mahahalagang pangyayari sa buhay ko ang mga petsang ito – malungkot na masaya.

Sino sa dalawang foreigner na ito ang dapat kong piliin upang magkaroon ako ng matagumpay at maligayang pag-aasawa?


Umaasa,

Lewelyn ng San Pablo, Dinalupihan, Bataan

Dear Lewelyn,

Nangyaring mahalaga sa iyo ang mga numero at petsang 1, 10 at 19, ‘yan kasi ay may sumatotal na one (1), kung saan ‘yan din ang numero ng zodiac sign mong Leo. Kaya walang katanggi-tanggi, umiiral sa iyo ang impluwensiya ng Leo. Kaya imagine, 43 years old ka na, pero confident ka pa rin sa iyong love life at sa mismong buhay mo.


Ganyan kasi ang mga Leo o sabihin na nating ganyan sila kagaling, hindi sila nawawalan ng tiwala sa kanilang sex appeal at assets. Kumbaga, mayabang sila at laging buo ang loob, kaya akala ng mga nakakikilala sa kanila ay talaga namang masayahin sila, pero kwidaw ka sa isang sulok, madalas mo rin silang matatagpuang lumuluha habang nag-iisa.


Samantala, sa tanong na sino ang ka-compatible mo sa dalawang manliligaw mong foreigner, siguradong si February 19, 1975 ang ka-compatible mo. Ito ay dahil ang zodiac sign niyang Aquarius ay ka-opposite attract ng Leo kung saan sa ikalawang teorya ng compatibility, ito ang tinatawag na “complimentary attractions”. Kumbaga, dilim ng gabi at liwanag ng araw, na hindi puwedeng paghiwalayin dahil sa paglubog ng araw o paglatag ng dilim at sa pagsikat ng araw at pagkalat ng liwanag at muling pagsikat ng araw, sinusukat ang usad at galaw ng panahon.


Para ring “ganda at pangit”, hindi maide-describe ang maganda kung walang pagbabatayan ng pangit. Pero sa totoo lang, tulad ng nabanggit na, kahit sila ay opposite, complementary attraction o ang pagiging compatible ay namamayani sa kanila.


Para ring lalaki at babae, ito ang tinatawag na feminine at masculine energy, na siya ring larawan ng yin at yang. Magkabaliktad, pero kapag nagsama, may kakaiba at mabisang lakas na kumukulapol sa kanilang relasyon.


Ang problema lang sa mga taong may birth date na 1, 10, 19 at 28, parang ikaw din, minsan may pagkabulabog ang kanilang personalidad, kaya habang nagaganap ang inyong relasyon, maaari ka niyang lokohin o maaaring sa kasalukuyan ay dalawa kayo sa buhay niya.


Kaya kung sakaling pag-aasawa na tahimik at walang gaanong stress na pamilya, hindi inirerekomenda sa iyo ang taong isinilang sa petsang 19. Subalit, sila ang katugma mo at sa kanila ka magiging maligaya, lahat ng taong may birth date na 1, 10, 19 at 28, gayundin silang may birth date na 4, 13, 22 at 31.


Samantala, kung gusto mo namang yumaman at walang masyadong conflict ang pag-aasawa, okey na okey ang Capricorn, na kapag nagtagal-tagal ay a-underin mo lang dahil ang mga may birth date na 12 ay mahilig magtiis at magsakripisyo alang-alang sa kanilang minamahal.


Kaya kung mabait na asawa — kasi sa totoo lang, hindi mabait siyang isinilang sa February 19, 1975 sa halip nagbabait-baitan lang — ang hanap mo, kahit hindi mo masyadong ka-compatible sa zodiac sign pero katugma mo pa rin sa destiny number mong 3, si January 3, 1972 ang dapat mong piliin. Dahil dito, makatitiyak ka ng tahimik, pero hindi masyadong masaya at maraming pera, gayundin, siya ay isang mabait na asawa.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page