top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

40 estudyante nadale ng smog

Writer: BULGAR
BULGAR
Sep 23, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | September 23, 2023


Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) hinggil sa nararanasang volcanic smog o “vog” na nagmula sa Taal Volcano na nasa Alert Level 1 sa ngayon.


Ayon sa Phivolcs, ang “vog” ay isang uri ng gas na acidic at nagdudulot ng iritasyon sa mga mata, lalamunan, at sa respiratory tract depende pa ito sa kung gaano karaming gas ang malalanghap at ang tagal ng exposure rito ng isang indibidwal.


Sa post sa Facebook page sinabi ng ahensya, “Vog has been affecting the Taal Region since the first week of September 2023 as an average of 3,402 tonnes/day SO2 has been degassed from Taal Volcano for the month.”


Nitong nagdaang araw, naglabas ang Taal Volcano ng higit 4,569 tonelada ng sulfur dioxide (SO2) habang namataang may isang malaking ulap nito sa bahaging kanluran ng bulkan.


Nasa mahigit 40 estudyante naman ang dinala sa iba’t ibang ospital sa Tuy, Batangas dahil sa epekto ng volcanic smog dulot ng aktibidad ng Taal Volcano noong Huwebes.


Sinabi ni Dr. Amor Calayan, head ng Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, na dalawang linggo nang nakakaapekto ang smog sa mga bayan sa naturang lalawigan.


Ang mga apektadong estudyante ay nakaranas ng paninikip o pananakit ng dibdib, pagkahilo, pangangati ng lalamunan, at pangangati ng balat. Wala namang mag-aaral ang kailangang ma-confine sa ospital habang lahat ay pinauwi na matapos na gamutin, ayon pa kay Calayan.


Ang pananalasa ng smog o vog sa ngayon sa iba’t ibang lugar sa bansa ay nagdudulot ng masamang epekto sa ating kalusugan.


Marapat lamang siguro na gawin natin ang lahat ng ibayong pag-iingat sa ating sarili para hindi tayo magkasakit. Sakaling lalabas, dapat na magsuot ng face mask at mag-jacket na rin bilang pagprotekta naman sa ating mga balat. Kung hindi naman importante ay iwasan na lang na lumabas ng bahay.


Paalala rin sa ating mga kababayang mayroong asthma, lung at heart disease, sa mga senior, mga buntis, at mga bata na huwag na rin munang lumabas ng bahay para hindi makalanghap ng masamang hangin na dulot ng smog.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page