40 empleyado sa Cebu City Hall nagpositibo sa test sa illegal drugs — COSAP
ni Lolet Abania | December 21, 2022

Nasa 40 na manggagawa mula sa Cebu City Hall ang nagpositibo umano sa test para sa ilegal na droga matapos ang serye ng surprise tests sa mga ito.
Ito ang kinumpirma ng City Office for Substance Abuse Prevention (COSAP) na pinamumunuan ni Jonah John Rodriguez.
Ayon kay Rodriguez, mula sa mahigit 3,000 empleyado kabilang na ang mga elected officials, 40 ang nakumpirma na gumagamit umano ng illegal drugs. “Most of them are from the Cebu City Transportation Office,” sabi ni Rodriguez.
Sinabi din ni Rodriguez na magsasagawa ng mga confirmatory tests sa 40 na nagpositibo sa test. At kung sila ay magpositibo ulit sa test, maaaring mawalan sila ng trabaho.
“Since CCTO employees are mostly job orders, it is a mandate for us to be drug free,” pahayag ni Rodriguez.
Nag-aalok naman ang COSAP ng isang rehabilitation program bilang isang paraan ng pagtulong sa mga indibidwal na ito na naging drug dependent.





Comments