40,000 Runners, magtitipon sa Muntinlupa, Cebu at Davao LEG
- BULGAR
- Feb 4, 2023
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | February 4, 2023

Magtitipon ang Philippine Running Community ngayong gabi sa Run 7-Eleven 2023 na sabay-sabay gaganapin sa mga lungsod ng Muntinlupa, Cebu at Davao simula ngayong Sabado ng gabi. Balik na sa kinagawiang petsa ang isa sa pinakasikat na fun run sa bansa matapos ganapin ang 2022 edisyon noong nakaraang Setyembre lang.
Tinatayang pinagsamang 40,000 manakbo ang nagpalista sa mga kategorya ng 42km, 32km, 21km, 16km, 10km Solo, 10km Buddy, 5km at 3km. May espesyal na 42km Masters para sa mga Senior Citizen edad 60 pataas at 1km na parehong gaganapin sa Muntinlupa lang.
Ang mga tatakbo sa 42km ay pakakalasin simula 11:00 ng gabi habang ang 32km pagsapit ng 12:00 ng hatinggabi. Ang ibang mga distansiya ay susunod sa Linggo ng madaling araw hanggang umaga.
May naghihintay na kabuuang P1.566 milyon sa mga tatapak sa podium sa tatlong lungsod. Maliban sa gantimpalang salapi at regalo mula sa isponsor, ang mga pangkalahatang pinakamabilis na Filipino sa 42km, 32km at 21km ay ipapadala sa isang karera sa ibayong dagat.

Mabilis na napuno ang nakalaan na 40,000 kalahok na ngayon pa lang ay senyales na magiging matagumpay ang karera. Ayon sa pamunuan ng karera, nais nilang ipakita na balik normal na ang mga fun run at buhayin muli ang kumpiyansa ng mga runner kasabay pag-akit ng bagong henerasyon ng mga mananakbo.
Dahil kailangan isara ang ilang mga kalsada na dadaanan ng karera, inaabisuhan ang mga motorista na gumamit ng alternatibong daan at iwasan ang ruta mula Sabado ng gabi hanggang Linggo ng umaga. Ang mga apektadong lugar ay ang Filinvest City sa Muntinlupa, SM Seaside City at Cebu Cordova Link Expressway Bridge sa Cebu at SM City Davao at Elpidio Quirino hanggang J.P. Laurel sa Davao.





Comments