4 uri ng compatibility, alamin!
- BULGAR
- Aug 22, 2021
- 3 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| August 22, 2021
Dear Maestro,
Kahit ba hindi magka-compatible ang magkasintahan ay maaari rin silang magkatuluyan? Tatlong taon na kami ng boyfriend ko at nagbabalak na kaming magpakasal, pero inaalala ko na baka maghiwalay din kami kasi hindi kami compatible sa Astrology. October 15, 1996 ang birthday ko at siya naman ay May 6, 1994. Kung sakaling pumayag na akong magpakasal kami at kami ang nagkatuluyan, kahit ba hindi kami compatible, magkakaroon din kami ng maligaya at panghabambuhay na samahan?
Umaasa,
Olive ng Santo Cristo, San Isidro, Nueva Ecija
Dear Olive,
Mali ang akala mo na hindi kayo compatible ng boyfriend mo at kalimutan mo na ang pag-aakala mong ‘yan upang matuloy na ang inyong kasal.
Sa Astrology, may apat na klase ng compatibility. Una, ka-compatible mo ang isang tao, sapagkat kapwa kayo nagtataglay ng parehong elemento ng zodiac sign at ito ang Western Astrology na paniniwala. Sa kaso mo, kung ikaw ay Libra, ang mga ka-compatible mo ay ang kapwa mo air type sign na Aquarius, Gemini at kapwa mo Libra, at ito ang sinasabing “same feathers flocks together.”
Ang ikalawa ay ayon naman sa paniniwalang Oriental Astrology, kung saan ang kailangang mahanap mo ay ang nawawala mong elemento, sarili o mga traits na wala sa iyo upang ikaw ay makumpleto. Ito naman ang batas ng magnetismo na kung tawagin ay “opposite poles attract each other”. Sapagkat ang negatibong (-) bahagi ng kawad, kumbaga sa kuryente at baterya ay nangangailangan ng positibong (+) bahagi ng kawad upang mabuo at tumakbo ang current o kuryente. Sa ganitong basehan na palalalimin pa natin nang kaunti, ang nawawala mong sarili o ang kulang sa iyo na katauhan ang dapat mong mapangasawa. Kapag Valentine’s Day, ito ay tinatawag na “kabiyak ng iyong puso” at sa wikang banyaga ay “the other half”. Sa Psychology ni Carl Jung, ito ay “the meeting of the animus and the anima”. Sa kaso mo, dahil ikaw ay Libra, ang ka-opposite attract mo ay ang Aries.
Ang ikatlong klase ng compatibility ay ang lahat ng kapitbahay ng isang zodiac ay ka-compatible rin niya. Hango naman ito sa batas ng gravitation attraction ng mga planeta. Kung saan, hindi nahuhulog ang mga buntalang planeta sa solar system dahil naghahatakan, nagbibigayan at naghahawakan sila ng lakas o “gravitational force”, kaya nanatiling umiinog ang solar system sa kabila ng katotohanang ang mundo, planeta, buwan at maging ang araw ay tila mga bolang apoy na nakalutang lamang sa kawalan. Nanatili sila roon ng mahabang panahon dahil sa “gravitational attraction”. Sa kaso mo, ka-compatible ng Libra ang kapitbahay niyang zodiac sign na Virgo at Scorpio.
Samantala, may ikaapat pang uri ng compatibility at dito kayo napabibilang ng boyfriend mo. Ito ang tinatawag sa Depth Astrology o malalilamang pag-aanalisa ng mga zodiac sign at birth date ng isang tao, kung saan tinutuklas dito kung ano ang kaakibat na planeta ng isang zodiac sign. Sa kaso mo, kaakibat o ruling planet ng zodiac sign mong Libra ang Venus, na nagkataong ito rin ang ruling planet ng zodiac sign na Taurus naman ng iyong boyfriend. Sa madaling salita, pareho ng ruling planet ang inyong zodiac sign, kaya naman compatible kayong dalawa.
Hindi pa ‘yun ang malupit, sa halip, sa Depth Astrology, ang bawat zodiac sign ay kinabitan ng mga numero, ayon din sa kanyang ruling planet kung saan, ang zodiac sign mong Libra na may ruling planet na Venus ay may kaakibat na numerong six (6) at nagkataong ito naman ang birh date ninyo ng boyfriend mo.
Ibig sabihin, pasadong-pasado na magka-compatible kayong dalawa, higit lalo kung kapwa kayo mahilig sa kulay na asul, pula, violet at lahat ng kulay na kauri nito dahil ‘yun ang mapalad na kulay para sa mga taong naiimpluwensiyahan ng planetang Venus.
At dahil compatible kayo, puwede nang ituloy ang kasal at sa sandaling kayo ay nagsama at nagkatuluyan, umasa kang aani kayo ng maligaya, mabunga at panghabambuhay na pamilya.



Comments