4 rehiyon, idineklara ni P-BBM sa state of calamity
- BULGAR
- Nov 2, 2022
- 2 min read
ni Lolet Abania | November 2, 2022

Isinailalim ng pamahalaan ngayong Miyerkules ang ilang rehiyon sa bansa sa state of calamity matapos ang hagupit ng Severe Tropical Storm Paeng.
Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Proclamation No. 84 na nagdedeklara ng state of calamity sa Regions IV-A (Calabarzon), V (Bicol), VI (Western Visayas), at ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ngayong Miyerkules, Nobyembre 2.
Batay sa Proclamation, mananatili ang state of calamity na ipatutupad at epektibo sa loob ng anim na buwan maliban kung mas maagang babawiin ito ng Pangulo.
Gayundin, inatasan na ang lahat ng mga departamento ng gobyerno, mga ahensiya, at mga instrumentalities na ipagpatuloy ang pag-iimplementa at pagsasagawa ng rescue, recovery, relief, at rehabilitasyon alinsunod sa itinatakdang operational plans at directives.
Nagbaba na rin ng direktiba sa lahat ng departments at iba pang concerned government agencies na makipag-coordinate sa mga local government units (LGUs) upang makatugon o makapagbigay ng basic services at facilities sa mga apektadong lugar.
Sa pagdedeklara ng state of calamity, mapapabilis ang rescue, recovery, relief, at rehabilitation efforts ng gobyerno at ng pribadong sektor.
Gayundin, sa pagdedeklara nito ay makokontrol ang presyo ng mga pangunahing bilihin at pangangailangan, at mabibigyan ng pagkakataon ang gobyerno at mga LGUs na magamit ang kinakailangang pondo para sa kanilang rescue, recovery, relief, at rehabilitation measures.
Matatandaang unang tinanggihan ni Pangulong Marcos ang panukalang pagdedeklara ng isang nationwide state of calamity matapos ang hagupit ng Bagyong Paeng na ayon sa Chief Executive, “[the damage was] highly localized.”
Samantala, sa National Capital Region (NCR), na nakaranas din ng pagbayo ni ‘Paeng,’ ang Muntinlupa ay isinailalim na sa state of calamity sa pamamagitan ng Resolution No. 10 s. 2022.
Sa isang Facebook post, sinabi ni Mayor Ruffy Biazon na makatutulong ito upang mapabilis ang relief operations ng lungsod gayundin ang isasagawang nilang repair at rehabilitation efforts.





Comments