4 pulis, guilty sa pagpatay sa ilalim ng EJK — Korte

ni Angela Fernando @Local News | June 19, 2024

Napatunayang nagkasala nu'ng Martes ang apat na pulis ng 'Pinas sa pagpatay sa mag-ama, ayon sa mga opisyal ng korte. Isa ito sa bihirang mga kaso kung saan naparusahan ang mga alagad ng batas na sangkot sa madugong kampanya laban sa droga sa ilalim ng administrasyon ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
Hinatulan ang mga mabababang ranggong pulis ng aabot sa 10 taong pagkakakulong dahil sa pamamaril sa dalawang biktima sa Maynila nu'ng 2016, sa ilalim ng kampanya laban sa droga ng mga pulisya, ayon ito sa nakasulat na hatol ni Manila Regional Trial Court Judge Rowena Alejandria na binasa sa korte nu'ng Martes.
Ang mga kapulisan ng Maynila na sina Virgilio Cervantes, Arnel de Guzman, Johnston Alacre, at Artemio Saguros, na dumalo sa sesyon ng Korte suot ang kanilang asul na uniporme ay kailangan ding magbayad ng 400,000 pesos bawat isa bilang danyos sa mga tagapagmana ng mga biktimang kanilang pinatay.
45-anyos si Luis Bonifacio habang ang kanyang anak ay 19-anyos nu'ng sila'y napatay.
Marami pang pinaghihinalaang sangkot sa droga ang napatay ng kapulisan at mga hindi kilalang armadong kalalakihan sa kampanya laban sa droga na ngayon ay iniimbestigahan na maging ng International Criminal Court. Samantala, ang mga nasasakdal ay pinalabas ng silid ng hukuman at hindi na nakuhanan pa ng pahayag.





Comments