4 patay sa severe dehydration dahil sa diarrhea – DOH
ni Lolet Abania | October 8, 2022

Apat na indibidwal ang nasawi dahil sa severe dehydration sanhi ng diarrhea sa isang barangay sa General Nakar, Quezon, ayon sa Department of Health (DOH).
Sa ulat ng GMA News, lahat ng mga namatay ay mula sa Dumagat tribe, habang ang posibleng dahilan ng outbreak ay kontaminasyon ng inuming tubig galing sa balon.
“Based doon sa isang na-document nila na tinest ‘yung dumi, ang cause ay parasite no, ‘yung amoebiasis at saka giardiasis,” pahayag ni Governor Angelina Tan.
Ayon sa Regional Health Unit ng General Nakar, nakapag-record na sila ng 33 kaso ng diarrhea sa lugar.
Nasa 23 indibidwal ang nakarekober na, dalawa ay kasalukuyang naka-confine sa ospital, at walo ang nagpapagaling pa sa kanilang tirahan.
May dalawa pang death cases na naitala subalit, iniimbestigahan pa ng mga awtoridad kung diarrhea rin ang naging dahilan nito.
Batay sa lokal na gobyerno ng Quezon, under control na ang sitwasyon sa lugar.
Nakapagtayo na sila ng mga banyong may mga palikuran o toilet bowl sa lugar, subalit hindi ang mga ito ginagamit ng mga residente. Tinuruan na rin sila kung paano maiiwasan ang dehydration.
Samantala, ang Regional Epidemiology Surveillance Unit (RESU) ng DOH-Calabarzon ay nagsasagawa na ng mission and surveillance kaugnay sa outbreak ng sakit.
“Nag-collect pa lang kami ng water, at ito ay dumating na kagabi. So tinest, nag-rectal swab ‘yung mga nagtatae. So nag-swab and today pinadala namin sa RITM ‘yung result and at the same time nagdala na rin tayo roon ng disinfectant sa water,” saad ni Tan.
Pinayuhan naman ng gobernadora ang mga residente na nakararanas ng sintomas ng diarrhea na magpakonsulta agad sa mga doktor.
“To seek consults immediately ‘no kasi ‘yung iba nagho-home remedy. Hindi nila nauunawan na minsan ‘yung severe dehydration medyo mahirap ding habulin ‘no,” giit ni Tan.
Gayunman ayon sa DOH, kung ang pasyente ay malayo sa ospital, maaaring pakuluan ang tubig at kapag lumamig na ito, lagyan ng asin at asukal o gumamit ng oresol bilang first aid. Mahalaga rin na i-check ang pinagmumulan ng pagkain at inuming tubig.





Comments