4 patay sa diarrhea sa Davao del Norte
ni Lolet Abania | October 16, 2022

Nasa apat na ang namatay, kabilang ang isang 2-anyos na bata, dahil sa diarrhea outbreak habang higit 200 indibidwal ang tinamaan ng nasabing sakit sa bayan ng Talaingod, Davao del Norte.
Batay sa Provincial Health Office (PHO) ng Davao del Norte, unang naitala ang diarrhea case noong Setyembre 3 hanggang sa patuloy na nadaragdagan na rin ang mga kaso.
Noong Huwebes, huling nai-report na may 17 kaso ng diarrhea sa nasabing bayan.
“Nu’ng nakarating na ang report sa rural health unit, pinuntahan naman agad pero marami na talaga ang affected. In fact, may namatay na nga noon. Ang problema, meron na naman sa ibang sitio, pa-isa isa. Ang hirap kasi mapuntahan nu’ng Sitio.
Minsan, late pa ‘yung pag-report,” pahayag ni Dr. Alfredo Lacerona, provincial health officer ng Davao del Norte.
Dalawang sitio sa nasabing bayan naman ang pinakaapektado ng diarrhea, ito ang Sitio Sto. Niño na may 195 cases, kung saan 187 ang nakarekober na, 5 ang active cases at 3 nasawi. Habang sa Sitio Palma Gil ay may 22 kaso, 10 ang nakarekober na, 11 ang active cases at isang 2-anyos na bata ang nasawi.
Sa imbestigasyon ng mga awtoridad nakumpirmang kontaminado ang tubig sa naturang lugar. Subalit anila, agad naman umano itong nalinis.
“Kaya lang dahil sa madalas na umuulan, may ilang sitio na naman na pumutok,” dagdag ni Lacerona.
Kaugnay nito, nagdeklara na ang lokal na gobyerno ng Talaingod ng state of emergency sa nasabing bayan noong Setyembre 28 upang may magamit na pondo sa pagbibigay ng ayuda sa mga tinamaan ng nasabing sakit na mga residente.
Namahagi na rin ang LGU ng mga libreng gamot at inuming tubig sa mga mamamayan.





Comments