4 golds lalampasan ng 'Pinas sa Aichi-Nagoya Asian Games
- BULGAR

- 15 hours ago
- 2 min read
by Gerard Arce @Sports News | August 22, 2026

Photo: Pinangunahan ni Philippine Olympic Committee President Abraham 'Bambol' Tolentino ang briefing para sa nalalapit na pagsabak ng mga atleta sa Asian Games sa Japan. (pocpix)
Umaasa si Philippine Olympic Committee (POC) President Abraham “Bambol” Tolentino na malalampasan ng Pilipinas ang apat na gintong medalya sa paparating na 20th Aichi-Nagoya Asian Games kasunod ng problemang kinahaharap ng defending champion Gilas Pilipinas national team pagdating sa pagbuo ng lineup.
Gayunman, nananatiling optimistiko si Tolentino sa kalagayan ng national squad na sasabak sa Asiad quadrennial meet na maaring sandalan sina 2024 Paris Olympics double gold medalist Carlos Edriel “Caloy” Yulo, two-time Olympian Ernest John “EJ” Obiena at Filipina tennis star Alexandra “Alex” Eala.
“Kailangan malampasan naman natin ‘yung four, kahit na may obstacle. Sana ma-ano pa rin natin, pero marami naman tayong pagkukunan, may mga dagdag pa iyan,” pahayag ni Tolentino sa isang report kasunod ng ginanap na media briefing para sa Asian Games.
Inaasahan din ng dating Mayor at kinatawan ng Tagaytay City na magpapakitang gilas ang mga national boxers at mga Olympian medalists na sina Nesthy Petecio, Aira Villegas, Carlo Paalam at Eumir Felix Marcial, habang lalaban rin ang mga weightlifters na sina Elreen Ando, Rose Jean Ramos, Kristel Macrohon at first Olympic gold medalist Hidilyn Diaz-Naranjo.
Nananatiling pambato rin ng bansa ang Jiujitsu national team na sina two-time World champion Annie Ramirez, Kaila Napolis, at Kimberly Custodio, gayundin ang Beach Volleyball team na pinagbibidahan nina Cherry Ann “Sisi” Rondina at Bernadeth Pons, ang nakababatang kapatid ni Carlos na si Eldrew Yulo at two-time Olympian swimmer Kayla Sanchez.
“May paghuhugutan yan. Whether team or individual. Hopefully lumampas talaga ng apat, pero without basketball, pero kung malakas pa rin ang basketball, good, lampas talaga ng apat,” paliwanag ng pinuno rin ng Philippine Cycling Federation.
Hindi rin nawawala sa listahan ni Tolentino ang paboritong ‘past-time’ ng mga Pinoy na Mobile Legends: Bang Bang at Esports, gayundin ang Athletics team, habang ang inaalagaan para sa Los Angeles Olympics na Samboist turn to judo player na si 2025 Southeast Asian Games titlist Chino Sy sa larangan ng under-100kgs category.





Comments