4,490 drug users, sasailalim sa rehab – NCRPO
- BULGAR
- Dec 12, 2022
- 1 min read
ni Lolet Abania | December 12, 2022

Nasa kabuuang 4,490 indibidwal na gumagamit ng ilegal na droga sa Metro Manila ang nakatakdang sumailalim sa recovery wellness program ng gobyerno, ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO) ngayong Lunes.
Sa ginanap na rollout ceremony para sa “Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan” (BIDA) program, iprinisinta ng NCRPO ang 100 illegal drug users na nagre-represent para sa mahigit 4,400 katao na sumurender sa mga awtoridad.
Noong Nobyembre, opisyal na inilunsad ng gobyerno ang kanilang anti-illegal drugs advocacy program na BIDA, na inilarawan bilang isang intensified and more holistic campaign.
Maliban pa sa anti-illegal drug enforcement agencies, magiging katuwang sa programa ang mga local government units (LGUs), mga government agencies, at iba pang pangunahing sektor ng lipunan.
Layon din ng BIDA program, bukod pa sa pagkasa ng mga operasyon ng law enforcement, na mabawasan ang demand para sa mga ilegal na droga at mag-alok ng rehabilitasyon sa mga komunidad.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos, kaagapay din ng BIDA program ang mga barangay, simbahan, at mga pamilya upang masolusyunan ang problema sa droga at ma-rehabilitate ang mga naging adik na sa ilegal na droga.
Kaugnay nito, iprinisinta rin ng NCRPO sa ginanap na event ang kanilang mga accomplishment sa mga ikinasang anti-illegal drug operations mula Disyembre 3 hanggang 9, 2022.
Base sa NCRPO, sa 300 operasyon, nasa 516 drug personalities kabilang ang 18 high value individuals (HVIs) ang naaresto at mahigit sa P39.6 million ng illegal drugs ang kanilang nakumpiska.





Comments