top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

3X3 Basketball Ranking ng 'Pinas, may tsansa sa Olympic Qualifying

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 4, 2021
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | February 4, 2021





Buhat nang magbukas ang liga noong 2019, malaking papel ang nagampan nito sa paglikom ng puntos at umangat ang FIBA 3X3 Ranking ng Pilipinas hanggang mapili bilang kalahok sa parating na FIBA 3X3 Olympic Qualifying Tournament sa Graz, Austria ngayong Mayo 26 hanggang 30.

Kasama na sa unang pagkakataon sa opisyal na kalendaryo ng 2020 Tokyo Olympics ang 3X3 at tiyak gusto ng mga Pinoy na maging bahagi at gumawa ng kasaysayan.


Kaya naman umani muli ng papuri ang Chooks To Go Pilipinas 3X3, ang unang ligang propesyonal ng tatluhan sa bansa, mula kay FIBA 3X3 Head Ignacio Soriano. Humanga ang opisyal sa naabot ng liga sa nakaraang dalawang taon at nagpatikim ng mga maaaring marating ng disiplina sa mga susunod na buwan.


Maliban sa mga laro mismo ng liga, nagsilbing punong abala ang Pilipinas sa pinakaunang Asia-Pacific Super Quest noong Abril at Manila Challenger noong Setyembre ng 2019. Kung hindi lang dahil sa kasalukuyang pandemya, maglalaro sana ng isang yugto ng FIBA 3X3 World Tour at isang Challenger o Super Quest sa 2020.


Babalik sa dating kalendaryo ang World Tour at babalik din sa aksyon ang Women’s Series na tinatampukan ng mga pambansang koponan. Nauna nang nagpahayag ng suporta ang Chooks sa koponan nina Janine Pontejos, Jack Animam, Afril Bernardino at Clare Castro na lalahok sana bago ipinagpaliban ang lahat ng laro ng serye sa 2020.


Pumukaw sa atensyon ng FIBA ang paraan kung paano nairaos ng maayos ang 2020 President’s Cup sa loob ng bubble sa Inspire Sports Academy sa Calamba City, Laguna noong nakaraang Oktubre. Maaari itong tularan o magsilbing modelo kung paano gaganapin ng FIBA ang kanilang mga susunod na palaro.


Umaasa si Soriano na magkakaroon ng mas maraming manlalaro na tututukan ang pansin sa 3X3 lamang at tumulong sa pagyabong ng laro. Malaking tulong ang paraan ng pakikitungo ng CTGPilipinas 3X3 sa kanilang mga tagahanga lalo na noong ginaganap ang mga mainitang laban sa loob ng mga malamig na mall.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page