3X3 2022 Super Quest, World Tour.. Manila at Cebu Masters, abangan
ni Anthony E. Servinio - @Sports | March 23, 2022

Magbabago ng malaki ang anyo ng 3x3 sa Pilipinas matapos lagdaan ang kasunduan sa pagitan ng Chooks-To-Go Pilipinas 3x3, ang pangunahing ligang propesyunal ng bansa at FIBA kung saan magiging mga global partner ang dalawang organisasyon sa FIBA 3x3 World Tour. Malaki ang maitutulong nito sa pagpalaganap ng 3x3 kasabay ng ultimong layunin na makapagpadala ng koponan sa 2024 Paris Olympics.
Dumating si FIBA 3x3 Head of Events and Partnerships Ignacio Soriano upang pormal na isara ang negosasyon kay Ronald Mascarinas. Mula ngayon, ang Chooks 3x3 ang mangunguna sa pagsasagawa ng mga palaro at pagpapadala ng mga opisyal na kinatawan ng bansa sa lahat ng mga torneo ng FIBA 3x3.
Hindi lang isa kundi dalawang yugto ng 2022 FIBA 3x3 World Tour ang nakatakdang ganapin sa Pilipinas, ang Manila Masters sa Mayo 28 at 29 at Cebu Masters sa Oktubre 1 at 2. Bago noon, magkakaroon ng Super Quest sa Abril 30 at Mayo 1 na tatampukan ng mga kalahok mula sa Timog Silangang Asya na magsisilbing qualifier para sa mga nasabing Masters.
Upang makapaghanda ng mabuti, tutungo ng Serbia ang Manila Chooks TM para sa dalawang linggong ensayo. Si Coach Aldin Ayo ay tatayo pa ring Head Trainer kasama ang mga nagbabalik na sina Mark Jayven Tallo, Zachary Huang, Dennis Santos at Mike Harry Nzeusseu, ang 6’5” baguhan na si Brandon Ramirez galing Canada habang ang mga beteranong sina Chico Lanete at Mark Yee ay paghahandaan ang dobleng trabaho na coach at manlalaro.
Ayon kay Coach Ayo, naghahanap pa sila ng mga manlalaro upang makabuo hanggang tatlo o apat na koponan. Kasama rin sa plano ang gawing ganap na mamayanang Filipino ang tubong Cameroon na si Nzeusseu na 10 taon nang naninirahan sa bansa simula noong nag-aral siya sa University of the Visayas at Lyceum of the Philippines University.





Comments