3K pulis, ide-deploy para sa Pista ng Poong Itim na Nazareno — MPD
ni Lolet Abania | January 3, 2023

Ipinahayag ng Manila Police District (MPD) na wala silang na-monitor na banta sa seguridad hinggil sa selebrasyon ng Pista ng Poong Itim na Nazareno sa Quiapo Church.
Sa isang press briefing ngayong Martes, sinabi ni MPD Director Police Brigadier General Andre Dizon, “Base sa [Based on] National Intelligence Coordinating Agency, as of today, wala tayong namo-monitor na terrorist threat.”
Ayon kay Dizon, nasa tinatayang 3,000 MPD personnel ang nakatakdang i-deploy upang i-secure ang mga aktibidad sa pista.
Inaasahan naman ng MPD na nasa isang milyon katao ang magpa-participate sa “Walk of Faith”, isang prusisyon mula Quirino Grandstand hanggang Quiapo Church.
Sa parehong briefing, ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna, magpapatupad ang city government ng liquor ban mula Enero 7 hanggang 9, habang suspendido ang mga klase sa Enero 9 dahil sa pista ng Black Nazarene.
“Maglalabas po kami ng executive order patungkol po sa liquor ban at kasama na po ‘yung executive order ng pagde-declare ng January 9 na wala pong pasok dito sa lungsod ng Maynila,” saad ni Lacuna.
Binanggit naman ng MPD na isasara, para sa mga aktibidad ng Pista ng Poong Itim na Nazareno, ang mga sumusunod na lansangan:
Enero 6, 2023 mula 10:00 PM onwards (Quirino Grandstand)
• Kahabaan ng Katigbak Drive
• Kahabaan ng Independence Road
• Kahabaan ng South Drive
• Northbound at Southbound lane ng Roxas Blvd. mula South Drive hanggang Katigbak Drive
Enero 8, 2023 mula 12:01 AM onwards (Quiapo Church)
• Northbound at Southbound lane ng Quezon Blvd. mula A. Mendoza/Fugoso hanggang Quezon Bridge straight hanggang P. Burgos (Park N’ Ride)
• Westbound at Eastbound lane ng España Blvd. mula P. Campa hanggang A. Mendoza
• Kahabaan ng Evangelista St. mula Plaza San Juan hanggang C.M. Recto Ave.
• Kahabaan ng Raon St. mula Evangelista hanggang Quezon Blvd.
• Kahabaan ng P. Paterno St. mula Quezon Blvd. hanggang Evangelista
• Kahabaan ng Carriedo St. mula Rizal Ave. hanggang Plaza San Juan
• Kahabaan ng C. Palanca St. mula Mc Arthur Bridge hanggang Quiapo Ilalim (Quinta Market) straight hanggang P. Casal
• Kahabaan ng Bustos St. mula Plaza Sta. Cruz hanggang Rizal Ave.
• Northbound lane ng Rizal Ave. mula Carriedo hanggang C.M. Recto Ave.
• Northbound lane ng McArthur Bridge
Pinapayuhan naman ng mga awtoridad ang mga apektadong motorista na humanap ng mga alternatibong ruta dahil dito.
Matatandaan na noong Disyembre 2022, inilahad ng Quiapo Church ang mga aktibidad at mga iskedyul para sa pagdiriwang ng Pista ng Poong Itim na Nazareno 2023.
Ayon kay Nazareno 2023 adviser Alex Irasga, isasagawa ang mga traditional activities maliban sa pahalik o kissing ng Black Nazarene image at pasanan o carrying ng imahe.





Comments