39 puntos, binirada ni James kontra Pacers
ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 26, 2021

Balik sa aksyon si LeBron James at agad bumuhos ng 39 puntos upang ipanalo ang Los Angeles Lakers sa Indiana Pacers sa overtime, 124-116, sa NBA kahapon mula sa Gainbridge Fieldhouse. Kasabay nito ang pagwakas ng 15 magkasunod na talo ni Fil-Am rookie Jalen Green at Houston Rockets at nanalo sila sa bisitang Chicago Bulls, 118-113, para sa kanilang pangalawang panalo ngayong taon.
Gumawa si James ng walo sa 12 puntos ng Lakers sa overtime at tinulungan nina Russell Westbrook na may 20 puntos at Malik Monk na may 17 puntos upang takpan ang pagliban ni Anthony Davis dahil may lagnat. Bago noon ay itinakda ni Pacers rookie Chris Duarte ang overtime sa kanyang three-points na may 6.5 segundo sa orasan, 112-112.
Walong Rockets ang nag-ambag na 10 o higit pang puntos sa pamumuno ni Christian Wood na may 16 points at 10 rebound habang 11 puntos si Green. Huling nakatikim ng panalo ang Houston sa bisitang Oklahoma City Thunder, 124-91, noong Oktubre 24.
Kung tapos na ang pagdurusa ng Rockets, patuloy pa rin ang pamamayagpag ng Phoenix Suns at humaba sa 14 ang kanilang magkasunod na panalo sa pagligpit sa Cleveland Cavaliers, 120-115. Uminit para sa 35 puntos si Devin Booker at 15-3 na ang Suns mula sa kartadang 1-3 sa mga unang linggo ng torneo.
Sinigurado ng Utah Jazz na hindi lalayo sa kanila ang Phoenix at pumulot ng panalo sa Oklahoma City Thunder, 110-104. Bumida sa Jazz si Gilas Pilipinas Jordan Clarkson na may 20 puntos at Bojan Bogdanovic na may 19 puntos para sa kartadang 12-6 at pangatlo sa Western Conference.





Comments