- BULGAR
371 PDLs sa NBP at iba pa, laya na – BuCor
ni Lolet Abania | September 13, 2022

Mahigit sa 350 persons deprived of liberty (PDLs) ang pinalaya na ngayong Martes mula sa New Bilibid Prison (NBP) at iba pang kulungan at penal farms, ayon sa Bureau of Corrections (BuCor).
Batay sa BuCor, sa 371 PDLs na laya na, 191 ay mula sa NBP, 143 mula sa Operating Prison and Penal Farms, at 37 naman mula sa Correctional Institute for Women.
Kabilang sa mga nakalayang inmates, may kabuuang 240 ang nagsilbi ng kanilang maximum prison sentence, 31 ang acquitted, 98 ang released on parole, at dalawa ay nasa probation.
Mayroon ding kabuuang 45 senior citizens ang nakalaya.
“Ang purpose ng correction talaga ay kapag ang tao ay nilitis, nagkaroon ng kaso, nilitis, nasentensyahan, dapat naroon ang lipunan upang bigyan sila ng pagkakataon makabangon muli,” pahayag ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla.
Umaasa naman si Remulla na marami pang batch ng PDLs ang makakalaya sa mga susunod na mga buwan.
“Gusto ko kung papalarin tayo, sa October merong batch ulit, sa November may batch ulit, at sa Pasko isang batch ulit. Tuloy-tuloy na, ‘di ba?” ani Remulla.
“May turnover lang talaga pero ang mahalaga ay makapagbagong buhay ang lahat at makabalik sila sa kanilang mga pamilya kung naroon pa sila. Kasi ang kalungkutan din naman ng lahat, marami rito… ay minsan walang babalikan… Kung talagang hindi nagkakalimutan, sana mas maaga tayong nakakalabas,” sabi pa ng opisyal.
Dumalo rin sina BuCor director general Gerald Bantag, Public Attorney’s Office chief Persida Rueda Acosta, at DOJ Undersecretary Deo Marco sa ginanap na culminating activity ngayong Martes.
Ito ang naging resulta matapos na hilingin ng DOJ at magsumite ng listahan ng mga PDLs para sa executive clemency kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Sa isang ambush interview, sinabi ni Remulla na ang listahan ng inmates para sa clemency ay iba mula sa mga pinalaya sa ngayon.
“Meron pa. Meron pang iba. GCTA ito at saka other releases no. Meron pa, meron pa kaming wino-work out na clemency,” sabi ni Remulla.
Nang tanungin naman siya kung ilang PDLs ang humiling ng clemency, ani Remulla, tinatayang nasa 360 PDLs ang naisumite para sa clemency.
“Almost the same as now. Three hundred seventy-one ngayon, baka 360,” saad pa ng opisyal.