37-anyos na bet nang mag-asawa, makakatuluyan ang BF na kapwa OFW
- BULGAR
- Aug 7, 2021
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| August 07, 2021
Dear Maestro,
Sumulat ako sa inyo upang mabigyan ng kasagutan hinggil sa kung ano ang mangyayari sa aking kapalaran. Sa edad kong 37, wala pa rin akong asawa. Pero mayroon akong boyfriend, ipinanganak siya noong November 17, 1985 at binata, habang ako naman ay ipinanganak noong May 27, 1984.
Gusto kong malaman kung may pag-asa pa ba kaming maging mag-asawa at siya na ba ang lalaking nakatakda sa aking kapalaran? Pareho kasi kaming nasa abroad ngayon. May lemon farm ang BF ko, pero kapatid niya ang namamahala, habang ako naman ay may palayan at banana farm, na kapatid ko rin ang nag-aasikaso.
Kung sakaling kami ang magkatuluyan, aasenso ba kami at anong taon kami dapat magpakasal?
Umaasa,
Sherlyn
Dear Sherlyn,
Bagama’t parehong “strong number” ang birth date mong 27 at 17 naman ang boyfriend mo, sa larangan naman ng materyal na bagay, malaki ang pag-asang magtagumpay kayo at sa larangan ng negosyo, malaki rin ang pag-asang yayaman kayo nang todo.
Maraming mag-asawang kapwa may strong number ang yumaman, matapos silang dumaan sa mabibigat na pagsubok at pasakit ng buhay. Ganundin, matapos ang palaging pagtatalo o pag-aaway, sa bandang huli, napahihinuhod din ang isa kaya nang dumating ang punto na may nagpa-under na, tulad ng naipaliwanag na sa itaas, yumayaman ang mag-asawang kapwa may strong number.
Samantala, kung idadaan din natin sa pag-aanalisa ang destiny number ninyo ng boyfriend mo, lumalabas na compatible rin kayo sa birth date at destiny number.
Ang destiny number na 6 ng boyfriend mo (11+17+1985=2013/ 20+13=33/ 3+3=6) ay sadya namang tugma sa destiny number mong 9 (5+27+1984=2016/ 20+16=36/ 3+6=9). Ito ay dahil ang 6 at 9 ay under sa mga numerong pasok sa series of 3-6-9, kung saan silang tatlo ay sadyang tugma at compatible talaga sa isa’t isa.
Sa madaling salita, kapag kayo ang nagkatuluyan, dahil sabi mo nga ay may lemon farm na siya sa kasalukuyan, habang ikaw naman ay may banana farm at palayan, tiyak ang magaganap. Mabubuo ang isang masagana at panghabambuhay na pagsasama hanggang sa kayo ay biyayaan ng isa hanggang dalawang anak, na siyang kukumpleto sa kaligayahan at kasaganaan ng inyong pamilya.
Habang nakatakda at magiging mapalad naman kung kayo ay magpapakasal sa taong 2023 hanggang 2024, sa mga piling buwan ng Mayo, Setyembre, Oktubre o Disyembre. Siguraduhing itapat ang araw ng kasal sa panahong nasa first quarter, new moon o full moon nang sa gayun, tulad ng papabulas at papalaking buwan, ang iyong samahan ay patuloy ding bubulas patungo sa isang masagana at maligayang pamilya habambuhay.



Comments