31 patay sa hagupit ni ‘Paeng’ sa Maguindanao – BARMM
ni Lolet Abania | October 28, 2022

Nasa 31 indibidwal ang naiulat na nasawi sa Maguindanao matapos ang mga pagbaha at landslides dulot ng Tropical Storm Paeng, ayon sa opisyal ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ngayong Biyernes.
Sa isang interview, sinabi ni BARMM Interior and Local Government Minister Naguib Sinarimbo na 16 sa mga namatay ay nai-report sa bayan ng Datu Odin Sinsuat, 10 sa Datu Blah T. Sinsuat, at 5 sa Upi.
“Sa kaso ng Datu Blah at Datu Odin Sinsuat, dito ‘yung may mga namatay, total of 13 na dito, tatlo sa Datu Odin, sampu sa Datu Blah, ito flash flood at saka landslide,” pahayag ni Sinarimbo.
“For Datu Odin Sinsuat, ang latest report nila is 16 na… ‘yung tatlo kanina, so as of today ay 16 na and then Upi, meron din, kaka-recieve lang namin may additional na fatality sa Upi, five,” dagdag ng opisyal batay sa nakuhang update.
Nang tanungin kung ang pagbabaha at landslide na sanhi ng pagkamatay ng mga biktima ay dahil kay Paeng, sinabi ni Sinarimbo, “Yes. tama ‘yun.”
Aniya pa, 7 katao rin ang nawawala sa Datu Blah.
Binanggit naman ni Sinarimbo na ang buong komunidad ay na-washed out umano sa Barangay Kusiong na nasa paanan ng Mount Minandar sa Datu Odin Sinsuat.
Ayon sa opisyal, may isang komunidad ng indigenous people na na-relocate ng gobyerno ng Datu Odin Sinsuat. Isang kaanak ang nagtungo sa Operation Center habang ini-report nito na ang buong community ay na-washed out.
“Natabunan daw ‘yung buong mga bahay nila, ‘yung community mismo,” sabi ni Sinarimbo.
Batay sa ulat ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) public information office, 6 ang nasawi habang 6 na iba pa ang nawawala sa Barangay Matuber sa Datu Blah Sinsuat.
Sa Barangay Pura, isang rescue operation ang isinasagawa matapos ang landslide.
Gayundin, may mga insidente ng pagguho ang nai-report sa South Upi.
Kaugnay nito, nakaranas din ng mga pagbaha sa Cotabato City, kung saan ang tubig-baha ay umabot na sa bubong ng ilang mga bahay, sabi ni Sinarimbo.
Ang iba pang mga lugar na apektado ng Bagyong Paeng ay Parang, Sultan Mastura, Sultan Kudarat, Cotabato City, Datu Odin Sinsuat, Dati Blah Sinsuat, Upi, South Upi, Northern Kabuntalan, at Guindulungan.
Ayon pa kay Sinarimbo, “The BARMM government already deployed rescue teams to concerned areas.”





Comments