top of page

300 posibleng “areas of concern” isinumite ng PNP sa DILG

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 4, 2022
  • 2 min read

ni Lolet Abania | April 4, 2022



Nakapagsumite ang Philippine National Police (PNP) ng mahigit sa 300 posibleng “areas of concern” kaugnay sa nalalapit na 2022 elections, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).


Sa Laging Handa public briefing ngayong Lunes, sinabi ni DILG Undersecretary Epimaco Densing III na ang mga “election hotspots” ay tinatawag na ngayong “areas of concern.”


“Mayroon po sinubmit ‘yung ating PNP na mahigit 300 na possible areas of concern. ‘Yun po ‘yung tawag natin rather than election hotspots,” ani Densing.


Ayon kay Densing, ang deklarasyon para sa areas of concern ng Commission on Elections (Comelec) ay naantala dahil masusing bineberipika pa ng poll body ang kondisyon ng mga naturang lugar.


Noong nakaraang linggo, nabanggit ni Comelec Commissioner George Garcia na ang mga areas of concern ay kanilang iaanunsiyo sa Marso 31.


Iniuri naman ng PNP ang mga lugar sa bansa sa apat na color-coded categories: berde, dilaw, kahel o orange at pula.


Ayon sa PNP, ang mga lugar na klinasipika bilang berde o green ay kinokonsiderang generally peaceful o mapayapa sa pangkalahatan para magsagawa ng eleksyon.


Para sa mga dilaw o yellow areas, may nai-report na hinihinalang election-related incidents sa nakalipas na dalawang eleksyon, posibleng presensiya ng mga armed groups, at matinding political rivalries. Ang mga yellow areas ay kinokonsiderang “areas of concern”.


Ang mga orange areas naman ay may naitalang presensiya ng armed groups gaya ng New People’s Army (NPA) na maaaring gumambala sa eleksyon. Ito ay kinokonsiderang “areas of immediate concern”.


Ang mga red areas ay pasok sa parameters o kondisyon para sa yellow at orange areas. Isasailalim ang mga ito sa Comelec control. Gayundin, ang mga security forces ay nakapokus sa pagmo-monitor sa mga naturang lugar na may posibilidad ng pagkakaroon ng karahasan at matinding political fights sa pagitan ng lokal na mga kandidato.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page