30 years kulong sa paggamit sa sasakyan ng amo nang walang paalam
- BULGAR
- Jan 23, 2023
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Enero 23, 2023
Dear Chief Acosta,
Ako ay isang personal driver. Noong umalis para magbakasyon sa ibang bansa ang aking amo, naisipan kong gamitin ang kanyang sports car. Ako ay namasyal lamang sa katabing probinsya kasama ang aking mga anak. Matapos iyon ay ibinalik ko na ang nasabing sports car, ngunit noong umuwi ang aking amo ay napansin niya na madumi na ito. Nang ako ay kanyang tanungin, inamin ko na hiniram ko ito nang walang pahintulot at ako naman ay agarang humingi ng tawad. Ngunit, nagalit ang aking amo at nagbanta na maaari akong makasuhan ng carnapping sa aking ginawa. Totoo ba na ako ay maaaring makasuhan ng carnapping kahit na ibinalik ko naman ang nasabing sports car? — Donato
Dear Donato,
Para sa iyong kaalaman, mayroong batas na nakasasaklaw sa iyong katanungan. Ayon sa Section 3 Republic Act No. 10883 or the New Anti-Carnapping Act of 2016:
“Section 3. Carnapping; Penalties. - Carnapping is the taking, with intent to gain, of a motor vehicle belonging to another without the latter’s consent, or by means of violence against or intimidation of persons, or by using force upon things.
Any person who is found guilty of carnapping shall, regardless of the value of the motor vehicle taken, be punished by imprisonment for not less than twenty (20) years and one (1) day but not more than thirty (30) years, when the carnapping is committed without violence against or intimidation of persons, or force upon things; and by imprisonment for not less than thirty (30) years and one (1) day but not more than forty (40) years, when the carnapping is committed by means of violence against or intimidation of persons, or force upon things; and the penalty of life imprisonment shall be imposed when the owner, driver, or occupant of the carnapped motor vehicle is killed or raped in the commission of the carnapping.”
Sang-ayon sa nabanggit, may karampatang kasong kriminal na carnapping ang pagkuha o paggamit ng isang motor vehicle na pagmamay-ari ng iba at kung ang pagkuha o paggamit nito ay walang pahintulot o ginamitan ng karahasan o pwersa.
Kaya naman sa iyong sitwasyon, ang paggamit mo ng sasakyan ng iyong amo nang wala ang kanyang pahintulot para sa kapakinabangan ng iyong pamilya ay maaaring maituring na carnapping.
Mayroon pa ring carnapping kahit na ibinalik mo ang nasabing sasakyan, at kahit humingi ka ng tawad sapagkat wala naman sa batas na maaabswelto ang isang akusado kung gagawin niya ang mga ito.
Dahil dito, maaari kang magdusa ng pagkakakulong nang hindi bababa sa dalawampung (20) taon at isang (1) araw alinsunod sa batas.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments