30 pamilya sa Payatas, inilikas

ni Thea Janica Teh | October 21, 2020

Umabot sa 30 pamilyang naninirahan sa Sampaguita Extension sa Barangay Payatas ang inilikas ngayong Miyerkules matapos ideklara ng pamahalaang lokal ng Quezon City na nasa hazard zone ang lugar sa panahon ng tag-ulan.
Matatandaang noong Oktubre 15 ay isang bahay ang gumuho sa lugar dahil sa pagguho ng lupa at mga basura.
Wala namang naitalang nasaktan sa insidente at ngayon ay pansamantalang naninirahan ang pamilya sa multipurpose hall ng barangay.
Sa 30 pamilyang inilikas, ang iba rito ay tumutol na iwan ang kanilang tahanan dahil matagal na umano silang nakatira rito. Bukod pa rito, malaki rin umano ang gagastusin sa paglipat ng ibang bahay.
Sa ngayon ay patuloy pa rin ang pagpapalikas ng QC Disaster Risk Reduction and Management Office sa mga residente upang malagay sila sa kaligtasan lalo na sa panahon ng tag-ulan.





Comments