30-anyos na may autism, patay sa sunog
- BULGAR
- Jan 16, 2023
- 1 min read
ni Lolet Abania | January 16, 2023

Patay ang isang 30-anyos na babaeng may autism matapos sumiklab ang sunog sa isang residential area sa Barangay 197, Tondo, Manila, ngayong Lunes ng madaling-araw.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog bandang alas-2:00 ng madaling-araw, na umabot lamang sa unang alarma, habang idineklarang fire out ng alas-3:00 ng madaling-araw.
Ilang mga residente ang nagsabing ang sunog ay nagsimula mismo sa bahay ng biktima.
Paliwanag ng mga bumbero, agad na kumalat ang apoy dahil ang mga bahay ay gawa sa mga light materials.
Gayundin, ang mga bahay ng mga apektadong residente ay nakatayo sa loob ng isang istruktura na dating palengke.
Ayon sa mga nakatira, ang gusali ay na-foreclose na ng bangko subalit pinayagan silang magtayo ng pansamantala nilang tirahan doon ng dating may-ari nito.
Anila, naghihitay lamang din sila ng opisyal na pakikipag-usap mula sa bangko at handa ring bakantehin ang lugar.
Pahayag pa ng ilang residente, nilamon na ng apoy ang tirahan ng caretaker bago pa nila ito napansin.
Nananatili naman ang mga apektadong residente sa barangay hall habang ang mga barangay officials ay humingi na ng tulong sa city government.
Gayundin, bineberipika na ng mga opsiyal ng barangay ang bilang ng mga apektadong pamilya dahil sa insidente.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng BFP sa naging dahilan at pinagmulan ng sunog at halaga ng pinsala nito.





Comments