30-45 mins. na lang ang biyahe… CAVITEX C5 Link Flyover Extension, bukas na
ni Lolet Abania | August 14, 2022

Binuksan na ang CAVITEX C5 Link Flyover Extension sa mga motorista ngayong Linggo ng umaga, Agosto 14.
Ayon sa Cavitex Infrastructure Corporation (CIC), isang subsidiary ng Metro Pacific Tollways Corp., maaari nang bumiyahe ang mga motorista sa Segment 3A2 ng flyover extension, na mula Merville hanggang Eulogio Rodriguez Avenue sa Parañaque City.
Ang bagong 1.6-kilometer flyover extension ay inaasahang makapagbibigay sa tinatayang 15,000 motorista ng anila, “more convenient access to and from Taguig, Pasay, and Parañaque, helping decongest the local roads.”
Gayundin, magiging maigsi na ang biyahe mula CAVITEX hanggang Makati City, Taguig City, at Pasay City nang 30 hanggang 45 minuto na lamang.
Simula rin ngayong Linggo ay ipinatupad ang bagong traffic scheme sa lugar.
Inilipat naman sa may Shell C5 Southlink, Barangay Moonwalk, Parañaque City, ang entry at exit ramps sa Merville.
Bubuksan na rin ang isang service tunnel sa mga motorista na manggagaling naman sa West Service Road patungong Merville, Pasay, at Parañaque.





Comments