top of page

3-term school calendar, aprub

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 hours ago
  • 2 min read

ni Mylene Alfonso @News | March 23, 2026



Bagong Pilipinas Serbisyo Fair para sa mga Senior High - Maeng Santos

Photo: Dumalo sa Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) ang daan-daang mga graduating Senior High School Students mula sa Technical-Vocational-Livelihood (TVL) strand, Alternative Learning System (ALS) students, at iba pang first-time jobseekers na isinagawa sa pamamagitan ng koordinasyon ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan kasama ang mga inisyatiba ng DepEd at DOLE. (Maeng Santos)



Aprubado ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang pagpapatupad ng three-term school calendar para sa mga pampublikong paaralan simula School Year 2026–2027, bilang bahagi ng mga hakbang upang mapabuti ang tuluy-tuloy na pagkatuto at mga resulta ng edukasyon.


Ang direktibang ito ay kasunod ng rekomendasyon ng Economic and Development Council sa kanilang ikawalong pagpupulong na ginanap sa Palasyo noong Marso 19.

Binigyang-diin din ng Pangulo ang pangangailangang pabilisin ang pagpapatupad ng mahahalagang reporma sa sektor ng edukasyon kasabay ng mga prayoridad na programa ng pamahalaan.


Dahil dito, inatasan ni Marcos ang Department of Education (DepEd) na maghanda para sa ganap na pagpapatupad ng bagong calendar.


Binigyang-diin niya na dapat pa rin mapanatili ang itinakdang 180-day contact period para sa mga mag-aaral at guro sa kabila ng mga structural changes.


Inatasan din niya ang mga opisyal ng edukasyon na tiyaking susuportahan ng bagong sistema ang mga mag-aaral na nahihirapan at umaayon ito sa semestral structure ng Senior High School.


Batay sa inaprubahang reporma, ang kasalukuyang apat na grading period ay pagsasamahin at gagawing tatlong academic terms.


Ang first term  ay magkakaroon ng 54 na araw ng pagtuturo at 10-day assessment period, araw para sa pagsusulit, kabilang ang limang araw na opening block.


Ang second term ay magkakaroon ng 55 araw ng pagtuturo at 10-day assessment period, habang ang third term naman ay binubuo ng 61 araw ng pagtuturo at six-day assessment period.


Ayon sa Malacañang, ang paglipat sa three-term calendar ay bahagi ng mas malawak na layunin ng administrasyon na palakasin ang kalidad ng edukasyon habang tinitiyak ang kakayahang makabangon laban sa mga paulit-ulit na pagkaantala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page