top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

3 FIFA Friendly, susubukin muna ng Women's Booters para sa AFF

BULGAR
Jun 19, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | June 19, 2022



Tatlong mabibigat na FIFA Friendly ang nakatakda para sa Philippine Women’s Football Team bilang paghahanda nila para sa 2022 AFF Women’s Championship ngayong Hulyo. Haharapin ng Filipinas ang hamon ng Ireland sa Hunyo 19 at Bosnia at Herzegovina ng dalawang beses sa Hunyo 23 at 26.

Nasa Turkiye na ang Filipinas kung saan gaganapin ang tapatan sa Ireland. Agad lilipad ang koponan patungong Slovenia sa susunod na araw para ipagpatuloy ang ensayo at harapin ang Bosnia.

Karamihan ng mga kasapi ng koponan na nag-uwi ng tanso sa 31st Southeast Asian Games ay kasama sa kampo sa Europa. Pangungunahan ang listahan ng mga matitinik sa pagtala ng goal na sina Sarina Bolden at Quinley Quezada.

Sasamahan ang beteranang tambalan sa forward nina Alisha del Campo at Alyssa Ube. Ang mga tatao sa midfield ay sina kapitana Tahnai Annis, Anicka Castaneda, Malea Cesar, Carleigh Frilles, Katrina Guillou, Kaya Hawkinson, Jessica Miclat, Camille Rodriguez, Jaclyn Sawicki at mga baguhang sina Jessika Cowart at Sara Eggesvik.

Mananatiling angkla ng depensa ang mga goalkeeper na sina Inna Palacios, Olivia McDaniel at Kiara Fontanilla. Ang mga defender ay sina bise-kapitana Hali Long, Eva Madarang, Dominique Randle, Ryley Bugay, Isabella Flanigan, Sofia Harrison, Chantelle Maniti, Tara Shelton, Catherine Graversen at Maya Alcantara.

Parehong maaaring makapasok ang Ireland at Bosnia sa 2023 Women’s FIFA World Cup at samahan ang Pilipinas na pasok na. Gagamitin nila ang mga laro upang maghanda para sa European Qualifiers na papasok na huli nitong mga yugto upang matukoy ang 11 kinatawan ng kontinente.

Kasalukuyang #27 ang Ireland sa FIFA World Ranking kumpara sa mga Pinay na nasa pinakamataas na antas sa kanilang kasaysayan na #53. Ang Bosnia ay #63, mas mababa sa mga Filipinas, subalit nanatiling delikadong kalaban.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page