3-day nationwide COVID-19 vax drive sa kabataan, arangkada na – DOH
ni Lolet Abania | December 5, 2022

Sinimulan ngayong Lunes ng Department of Health (DOH) ang 3-araw na nationwide COVID-19 vaccination drive na layong pataasin pa ang inoculation uptake sa mga kabataan na nasa edad 5 hanggang 17.
Pinangunahan ni DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire at ng mga local government officials ang paglulunsad ng Bakunahang Bayan simula Disyembre 5 hanggang 7 sa Davao City.
Binigyang-diin ni Vergeire ang kahalagahan ng pagpapabakuna lalo na sa populasyon ng mga kabataan dahil nagbukas na rin ang mga paaralan para sa face-to-face classes.
Ayon sa DOH, nasa 5,333,423 kabataan na edad 5-11, ang fully vaccinated na ngayon laban sa COVID-19 hanggang nitong Nobyembre 30.
Ito ay maituturing na 48.9% ng 10.8 million target population para sa naturang age group.
Umabot naman sa 10,010,095 adolescents na nasa edad 12-17 ang nakakumpleto na ng kanilang primary vaccine series, kung saan nasa 112% ito ng 8.9 million target population.
Habang tinatayang nasa 1,082,475 o 12% ng edad 12-17 ang nakatanggap na rin ng kanilang first booster dose.
Pinasalamatan naman ni Vergeire ang mga healthcare workers at vaccinators sa kanilang pagseserbisyo sa publiko.
“Ngayong papalapit na ang Kapaskuhan, piliin nating maging bakunado gayundin ang pagsunod natin sa ating minimum public health standards upang maging masaya at ligtas ang ating mga pagtitipon,” saad ni Vergeire.
Samantala, sa isang radio interview, binanggit din ni OCTA Research fellow Dr. Guido David ang importansya ng pagtanggap ng primary vaccine series at booster doses, na aniya, ang pagkuha nito ay makatutulong na maprotektahan ang mga indibidwal mula sa severe symptoms ng COVID-19 infection.
“Pwede pang mahawaan kahit bakunado na. ‘Yung severe COVID naman ang tinitingnan natin. Kumokonti na talaga ang nagkaka-severe na infection dahil bakunado sila,” sabi ni David.





Comments