top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

3 bata na-trap sa sunog, patay

Writer: BULGAR
BULGAR
Sep 8, 2022
1 min read

ni Lolet Abania | September 8, 2022



Tatlong bata ang nasawi matapos na ma-trap sa sunog sa isang residential area sa Barangay Obrero sa Quezon City, madaling-araw ngayong Huwebes, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).


Sinabi ni Senior Fire Officer 3 Rolando Valena ng Quezon Fire District (QCFD), ang dalawang biktima na magkapatid na edad 7 at 5, at kanilang 11-anyos na pinsan ay na-trap mula sa ikatlong palapag ng kanilang bahay nang sumiklab ang sunog sa Scout Tobias Street, Barangay Obrero.


Ayon kay Valena, natutulog na ang mga biktima kasama ang kanilang lola nang mangyari ang insidente. Naiwan ang tatlong bata sa kanilang silid matapos ang kanilang lola na sinubukan pa silang iligtas ay mahulog mula sa ikatlong palapag sa ground floor ng kanilang bahay.


Agad namang binigyan ng medikal na atensyon ang lola ng mga biktima.


Sinabi pa ng BFP, natagpuan ang katawan ng ikatlong bata pasado alas-5:00 na ng madaling-araw.


Itinaas ang sunog sa unang alarma ng alas-12:02 ng hatinggabi, habang idineklarang under control ng ala-1:08 ng hatinggabi at tuluyang naapula ang apoy ng alas-3:12 ng madaling-araw, ayon pa sa QCFD.


Ayon sa mga awtoridad nasa P135,000 ang tinatayang halaga ng pinsala sa mga ari-arian habang 27 kabahayan ang natupok at nasa 81 pamilya naman ang apektado dahil sa insidente.


Patuloy na iniimbestigahan ng QCFD ang naging sanhi at pinagmulan ng sunog.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page