top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

2nd SONA ni P-BBM, kaabang-abang

Writer: BULGAR
BULGAR
Jul 24, 2023
4 min read

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | July 24, 2023


Ngayong araw ay magaganap na ang pinakahihintay na ikalawang State of the Nation Address (SONA) kung saan kumpiyansa tayo na tatalakayin ni Pangulong ‘Bongbong’ Marcos, Jr. (P-BBM) ang malalaking problemang kinakaharap ng bansa.


Siyempre hindi naman maiiwasang talakayin ang mga naging accomplishments ng kasalukuyang administrasyon, ngunit tiyak na maglalatag din si P-BBM ng mga hakbangin at solusyon kung paano tutugunan ang mga kinakaharap pang suliranin.


Ilan sa inaasahang marinig ng ating mga kababayan ay kung paano ipaliliwanag ng Pangulo ang mga malalaking isyu na nangangailangan ng agarang atensyon tulad ng presyo ng mga bilihin at kung paano itataas ang suweldo ng mga manggagawa.


Inaabangan din kung paano pa mas mapabubuti ang maganda na nating sistema sa edukasyon, paglikha ng disenteng trabaho, pagpapalawak ng marami pang oportunidad at pagtugon upang maibsan ang kahirapan ng marami pang Pilipino.


Hinggil naman sa usapin kung paano mapapababa ang presyo ng mga bilihin, tiyak na hihimayin ni P-BBM ang mahigit limang buwan nang tuluy-tuloy na bumabagal ang inflation at ang 5.4% na inflation rate nitong Hulyo ng taong kasalukuyan ang pinakamababa sa loob ng 13 buwan.


Kaabang-abang din ang magiging pahayag ni P-BBM hinggil sa polisiya kung paano matutugunan ang kahirapan at gutom na nararanasan ng ilan sa ating mga kababayan na kinapos ng kapalaran.


Hindi naman maitatanggi na naging mahusay ang naging performance ni P-BBM sa unang taon ng kanyang panunungkulan dahil naisaayos niya upang mapabuti ang takbo ng ekonomiya na suportado at inaayunan ng mga eksperto sa bansa.


Tulad na lamang sa pinakahuling ulat ngayong Hulyo 2023 ng Asian Development Bank (ADB) na napanatili sa 6.0% ang GDP growth ng bansa ngayong taon na ‘di hamak na mas mataas pa ng 1.2 sa growth projection ng nasabing bangko para sa papaunlad na ekonomiya sa Asia at sa Pacific na 4.8%.


Iniuugnay ng ADB ang pag-unlad ng bansa sa robust investment, private consumption, rising employment, expanding production, retail sales, at brisk private and public construction.


Higit na kapana-panabik para sa ating mga kababayan, lalo na sa mga manggagawa at mga bagong graduate ay kung paano ilalatag ni P-BBM ang kanyang mga hakbangin hinggil sa pagbubukas ng mga bagong oportunidad upang makakuha ng permanenteng hanapbuhay.


Kaakibat nito siyempre kung paano isa-isahin ni P-BBM na maisakatuparan na madagdagan ang tinatamasang suweldo ng mga manggagawa na napakahalaga rin sa inyong lingkod dahil naghain din tayo sa Senado ng isang panukala na naglalayong bigyan ng karagdagang sahod na P150 ang mga manggagawa.


Bukod ito sa inaprubahang karagdagang P40 na sahod sa mga manggagawa kamakailan na pinaniniwalaan nating hindi talaga makakasabay at makasasapat sa mga gastusing kinakaharap ng ating mga kababayan sa araw-araw.


Tiyak na hindi makakalimutang banggitin ni P-BBM ang katuwang niya sa pamamalakad ng bansa na si Bise Presidente at DepEd Secretary Sara Duterte, kasabay ng anunsyo kung ano ang magiging roadmap para sa kalagayan ng lahat ng nasa sektor ng edukasyon.


Panalangin din natin na sana ay mabanggit ng Pangulo kung paano maisasagawang maiangat ang allowances na natatanggap ng mga titser, dahil sa Senado ay hindi natin binibitawang gawin nang permanente ang P10,000 teaching allowance ng mga itinuturing nating ikalawang magulang ng ating mga anak.


Malapit sa atin ang mga teacher sa dahilang sila ang sektor na matindi ang pagsisikap upang maisakatuparan ang maayos na edukasyon sa bansa at humuhubog sa kinabukasan hindi lang ng mismong mag-aaral kundi ng buong bansa.


Sa ngayon ay mataas ang approval at satisfaction rating ni P-BBM na isang indikasyon na nasa tamang direksyon ang kanyang panunungkulan na ang kailangan na lamang ay ipagpatuloy ang magandang simulain, lalo na at nakayanan nitong maipasa ang karamihan ng mga prayoridad na panukalang batas.


Isa na rito ang paglagda ni P-BBM upang ganap nang maging batas ang Republic Act No. 11953 o ang New Agrarian Emancipation Act at ang inyong lingkod mismo ang author ng Senate Bill No. 1405 o ang ‘Debt Burden Emancipation for Agrarian Reform Land Beneficiaries Act’ na naging sanhi ng Senate counterpart bill.


Nagkaroon ng bagong buhay at naging malayang-malaya na ang ating mga magsasaka sa pagkakautang na matagal na nilang inaalala kung paano makakawala sa kabila ng kanilang araw-araw na pagsisikap na pagyamanin ang mga lupaing pinagkukunan ng makakain ng marami nating kababayan.


Anim na araw bago ang SONA ay nilagdaan na rin ni P-BBM upang maging isang ganap na batas na ang Maharlika Investment Fund (MIF) na naglalayong mapalago ang pondo ng ating gobyerno para makalikha pa ng mas maraming trabaho at matugunan ang kahirapan.


Higit sa lahat, ang MIF ay binuo upang makapag-invest ng pondo sa iba’t ibang kumpanya at malalaking negosyo hindi lang sa Pilipinas kundi sa global investment market upang kumita at sa huli ay magkaroon ng pagkukunan ng panggastos sa mga proyekto at development ng bansa.


Hitik na hitik talaga ang mga dapat pa nating abangan sa SONA dahil tiyak na mas marami pang sorpresa ang Pangulo na hindi natin nabangggit.

Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page