top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

2nd SONA ni P-BBM, huwag sana pambobola

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 23, 2023
  • 1 min read

@Editorial | July 23, 2023


Bukas na ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand 'Bongbong' Marcos, Jr.


Umaasa tayo na mailalahad ang mga magandang nagawa at gagawin pa ng administrasyong Marcos. Bagama't gusto rin sana ng karamihan na mailantad maging ang mga kapalpakang nangyari sa loob ng isang taon. Hindi para maliitin ang gobyerno kundi para lumabas ang katotohanan.


Gusto sana nating maiba ang SONA mula sa mga nagdaan na mistulang pambobola at pagpapa-pogi lang ang laman.


Kung may mga ipinangako noong nakaraang SONA na hindi natupad o kabaligtaran pa ang nangyari, dapat lang siguro na malaman ng publiko.


Matatandaang sa unang SONA ng Punong Ehekutibo, ipinangako niya ang food security, pagtugon sa mga isyu sa pabahay, agrikultura, imprastraktura, turismo, edukasyon at iba pa.


Alam nating imposibleng maresolba ang lahat ng problema ng bansa o biglang umasenso sa loob ng isang taon, pero hindi naman siguro kalabisan na maghangad ng magandang pagbabago at pag-usad kahit paano.


Hindi tayo umasa na bubulusok ang presyo ng mga bilihin o singil sa serbisyo, pero bakit walang tigil ang price hike?


Talamak pa rin ang krimen, katiwalian at ilegal na gawain, ano'ng nangyari?


Masasabing matagal-tagal pang manunungkulan ang administrasyong ito, pero maisip sana natin na mabilis lang ang panahon. Hindi natin mamamalayan ay patapos na ang anim na taon.


Sana sa pagkakataon na 'yan, tuluyan nang nakabangon ang Pilipinas at hindi lalong nabaon. Sana umangat na ang lahat at hindi lang ang iilan.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page