Search
  • BULGAR

2nd C'ship title 3X3, naipuslit ng Zamboanga Valientes sa Australia

ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 11, 2021





Inuwi ng Zamboanga Valientes MLV ng Pilipinas ang kanilang ikalawang sunod na kampeonato matapos maghari sa Champions League Basketball 3X3 Bendigo Opens noong Sabado ng gabi sa Bendigo Stadium sa estado ng Victoria sa Australia.


Sina Christopher Concepcion, Eric Miraflores, Adam Kempton at Duom Dawam ay winalis ang lahat ng kanilang apat na laro para sundan ang kanilang unang tropeo sa BACT 3X3 Christmas Street Hustle noong nakaraang buwan sa Canberra.


Tinalo ng Valientes ang Clippers para sa kampeonato, 21-12; Inikutan nina Miraflores at Concepcion ang depensa para magtala ng tig-pitong puntos bawat isa habang sina Kempton at Duwam na ang nagtrabaho sa depensa.


Naging bayani si Concepcion sa semifinals kung saan binaon niya ang nagpapanalong dalawang puntos mula sa kaliwang kanto sa overtime, 19-17, laban sa MLV Sports na kinabibilangan ng mga manlalaro galing South Sudan. Humabol ang Valientes para tumabla ang iskor, 17-17, subalit kinapos ang oras at kinailangan ang overtime kung saan magwawagi ang unang makakagawa ng dalawang puntos.


Sa unang laro pa lang ay nagpakilala ang mga Pinoy sa kanilang 21-5 na pagdurog sa Formosa ng Chinese-Taipei. Bumalik sa korte ang Valientes at iniligpit ang Barber Boys, 12-5, upang maging numero uno sa Grupo B at makapasok agad at maghintay ng makalalaro sa semifinals.


Tumanggap ang mga kampeon ng gantimpalang salapi na A$1,200 (P44,725). Ayon sa may-ari ng koponan at coach na si Rolando “Junnie” Navarro, pinag-iisipan pa nila ang kanilang susunod na torneo kabilang ang isa na gaganapin sa New Zealand.


Naghahanda rin ang Valientes para sa pagbubukas muli ng National Basketball League (NBL) at Chooks To Go Pilipinas 3X3 sa mga susunod na buwan. Kalahok din ang koponan sa bagong tatag na Pilipinas VisMin Super Cup na nakatakdang buksan sa Abril 9.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.