2K natitirang balikbayan boxes, ide-deliver na – BOC
ni Lolet Abania | November 20, 2022

Nakatakda nang i-deliver lahat bago pa mag-Pasko ang natitirang humigit-kumulang 2,000 iniwanang mga balikbayan boxes sa isang warehouse sa Bulacan, ayon sa Bureau of Customs (BOC) ngayong Linggo.
Sa isang radio interview kay BOC spokesperson Arnaldo dela Torre Jr., sinabi nitong sisimulan na nila ngayong linggo ang libreng delivery ng mga balikbayan boxes sa mga probinsiya.
“’Yun ang pinipilit at pinagdadasal natin na… mai-deliver ito bago mag-Pasko. Mahigit kumulang na lang naman na mga 2,000 balikbayan boxes na natitira dito sa Balagtas, Bulacan,” saad ni Dela Torre.
Una nang nagdulot ng tensyon ang isang warehouse sa Bulacan, na nagresulta sa hindi malinaw na direktiba hinggil sa pagre-release ng mahigit sa 4,600 balikbayan boxes matapos ang mahabang buwan ng pagkaka-delay nito. Ang mga naturang packages na nanggaling mismo sa Middle East ay sinasabing inabandona ng mga foreign courier services sa BOC.
Sa ngayon, ayon kay Dela Torre, ang koleksyon o pagkuha ng mga packages ng mga kaukulang recipients sa warehouse ay nagpapatuloy pa.
Ayon kay Dela Torre, sa mga nagnanais na personal na i-claim ang kanilang mga package, dapat na magdala ng authorization letter, valid ID, at isang kopya ng passport ng sender.
Binanggit naman ni Dela Torre na nakikipag-coordinate na sila sa Department of Migrant Workers (DMW) upang anang ahensiya, “to hold accountable consolidators or freight forwarding entities that abandoned the balikbayan boxes at BOC.”
“Ngayong Monday, bukas, magkakaroon ng pagpupulong uli ang ating legal team para sa pagpa-finalize ng mga dokumento para maasikaso na ang pagsasampa ng kaso,” sabi pa ni Dela Torre.





Comments