2K inmates sa Bilibid, nag-register na para sa barangay at SK elections
- BULGAR
- Jan 11, 2023
- 1 min read
ni Lolet Abania | January 11, 2023

Nasa tinatayang 5,000 persons deprived of liberty (PDLs) ang inaasahang magparehistro para sa October 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa 2-araw na nationwide special satellite registration na isinagawa ng Commission on Elections (Comelec).
Batay sa ulat, may kabuuang 3,016 PDLs mula sa New Bilibid Prison (NBP) ang nakatakdang magpa-register para sa BSKE.
Bukod sa NBP, may mga inmates din na mula sa Correctional Institution for Women, Leyte Regional Prison, Davao Prison and Penal Farm, Zamboanga Prison and Penal Farm, Iwahig Prison and Penal Farm, at Sablayan Prison and Penal Farm.
Ginanap ang ceremonial event para sa special voter registration ng mga inmates sa NBP.
Matatandaan na noong 2015, isang abogado ang naghain ng petition na layong ipagbawal sa mga detainees na bumoto noong May 2016 elections maliban kung may ginawang malinaw na alituntunin.
Subalit, dinismiss ito ng Supreme Court noong Agosto 2022, kung saan pinapayagan ang mga PDLs na makaboto muli sa local level.
Samantala, ayon sa Comelec mahigit sa 2,000 PDLs sa NBP ang nakapagparehistro na ngayong Miyerkules para makaboto sa barangay at SK elections.
Anang Comelec, umabot sa 2,084 inmates ang nagpalipat ng registration sa Muntinlupa City para makaboto sa BSKE ngayong taon.
“Itong darating na halalan, ito ‘yung unang pagkakataon matapos ang desisyon ng Korte Suprema na makakapagparehistro tayo, makakapagpaboto muli tayo ng ating mga PDLs,” pahayag ni Comelec Chairman George Garcia.
“Sila rin, bilang mamamayan ng ating bansa, ay may karapatan na makapaghalal ng kanilang mga napipisil na lider,” saad pa ni Garcia.





Comments