top of page
WINNER - SEN. ROBIN, IPINAGDIINANG DDS SI JOSHUA-FB Robin Padilla.jpg

26 milyong Pinoy, sadlak pa rin sa hirap

  • BULGAR
  • May 29, 2022
  • 2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | May 29, 2022


Milyun-milyong Pilipino ang sadlak sa hirap.


Kamakailan, tinukoy ng Commission on Population (POPCOM) na umaabot na sa 26 milyon ang mga Pilipino na sadlak sa hirap o nasa ilalim ng “poverty line”.


Ito ang umano ang lumabas sa pag-aaral na ginawa ng Philippine Statistics Authority (PSA) kung saan ikinumpara ang unang bahagi ng 2018 at 2021.


Nakita sa pag-aaral na tumaas ang bilang ng pamilyang naghirap kung saan naging 4.6 milyon o katumbas ng 23% ng populasyon mula sa 4 milyon.


Paliwanag ng POPCOM, ang poverty line ay itinakda sa kitang P12,000 kada buwan at hindi umaabot sa nasabing halaga ang kinikita ng nasa 26 milyong Pilipino.


Tumaas ang bilang ng mahihirap sa mga lugar na mataas ang naging kaso ng COVID-19 tulad ng National Capital Region (NCR), Central Luzon at Central Visayas.


‘Ika nga, matagal nang problema ang kahirapan sa bansa at pinalala pa ito ng COVID-19 pandemic dahil bagsak ang ekonomiya at kabuhayan, kaya no choice ang marami nating kababayan kundi matengga at maghintay ng tulong mula sa gobyerno.


Ngunit ngayong halos balik sa normal na ang lahat dahil marami ang balik sa trabaho at negosyo, marahil, ang kahirapang hinaharap ng marami sa atin ay hindi na dahil sa pandemya.


Siguro, resulta na ito ng sandamakmak na problema ng bansa na nakakaapekto sa hanapbuhay ng mga ordinaryong mamamayan.


Kaya kahit todo-kayod, kung patuloy sa pagtaas ang presyo ng mga bilihin at serbisyo, ang ending ay kumakalam pa rin ang sikmura ng marami sa atin.


At gustuhin mang makaahon sa hirap, wa’ ‘wenta ang mga pagsisikap.


Kaya ang tanong sa bagong administrasyon, paano natin iaangat ang mga nasa laylayan?


Batid nating malaking hamon ito sa mga susunod na taon, kaya sana, talagang handa at may pangmatagalang solusyon tayo sa problemang ito.


Malaki ang tungkulin ng gobyerno sa ikauunlad ng bawat mamamayan. Sana ay magampanan ninyo ito.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page