top of page
Search
  • BULGAR

25K benepisyaryo ng 4Ps, graduate na

ni Ryan Sison @Boses | Abril 13, 2024



Matapos na makamit ang self-sufficiency status o kaya nang makapamuhay nang maayos para sa pamilya, tinanggal na ang nasa 25,904 household beneficiaries ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa buong bansa.


Batay sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), ang naturang bilang ay base na rin sa datos nitong unang quarter ng taong 2024.


Kinilala ang mga nasabing 4Ps graduates sa “Pugay Tagumpay” graduation at exit ceremonies ng iba’t ibang DSWD Field Offices sa pakikipagtulungan ng mga local government units (LGUs).


Ayon kay Assistant Secretary for Disaster Response Management Group Irene Dumlao, ang graduation at exit ceremony ng 4Ps Pugay Tagumpay ay isang selebrasyon ng milestone ng mga benepisyaryo at binibigyang-diin dito ang makabuluhang tagumpay na sumasalamin sa dedikasyon at pagsisikap ng parehong mga benepisyaryo at mga nagpapatupad ng programa. 


Aniya, maituturing ang ‘Pugay Tagumpay’ na isang komendasyon sa mga benepisyaryo, kung saan ang kanilang buhay ay napabuti sa pamamagitan ng programa ng kagawaran at sa tulong ng ilang partner stakeholders.


Ipinahayag din ni Dumlao na ang mga household beneficiary na na-assess, kung saan nakamit na ang self-sufficiency status, kabilang na ang mga nag-volunteer na umalis mula sa programa, ay opisyal na inendorso sa mga LGUs na kanilang nasasakupan upang mapanatili na mapabuti ang kanilang kalagayan at ma-monitor ang kanilang pamumuhay.


Binigyang-diin naman ng opisyal na ang DSWD ay nananatiling committed sa pagsuporta sa mga 4Ps graduates habang nagpapatuloy sila sa kanilang journey tungo sa higit na kalayaang umunlad.


Ang 4Ps ay flagship program ng pamahalaan na layong masugpo ang kahirapan at maiangat ang pamumuhay ng mga maralita nating kababayan sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong sa edukasyon ng mga kabataan, nutrisyon at kalusugan. 


Nakatulong talaga nang malaki sa ating mga mahihirap na kababayan ang programang 4Ps ng gobyerno na maging maayos ang kanilang pamumuhay.


Ngayon kasi ay kaya na nilang suportahan ang sarili at kani-kanilang pamilya, habang unti-unti na ring nakakaahon mula sa kahirapan.


Tama lang na nagtapos na rin sila sa programang ito ng pamahalaan upang mabigyan din ng pagkakataon ang iba nating kababayan na higit na nangangailangan.


Hiling natin sa kinauukulan na mas paigtingin pa ang pagtulong sa mga mahihirap at magkaroon ng marami pang programa na may higit na pakinabang sa mga mamamayan.

 


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page