250 MMA fans, papayagan nang manood sa ONE kahit may COVID-19
ni Gerard Arce - @Sports | October 25, 2020

Muling mabibigyan ng pagkakataon ang mga manonood at tagasubaybay ng mixed-martial events na ONE Championship matapos bigyan nang basbas ng pamahalaan ng Singapore na makapanood ang 250 live audiences’ para sa star-studded event na ONE: Inside the Matrix sa Oktubre 30 sa Singapore Indoor Stadium kasunod ng umiiral pa ring novel coronavirus disease (Covid-19) pandemic sa buong mundo.
Nagdesisyon na ang gobyerno ng Singapore na payagan na ang mga live spectators kasunod ng paglagay city-state sa second phase Covid-19 reopening. Ngunit mahigpit pa ring pananatilihin ng Singaporean government ang mga health at safety protocols at guidelines upang maging ligtas ang lahat ng mga dadalo sa malaking event.
Kinakailangang dumaan ang lahat ng mga manonood sa ilalim ng antigen rapid testing at magiging basehan ang unang event ng ONE sa mga darating pang sporting events sa tinaguriang “The Lion City.”
Ihahandog ng ONE ang apat na title fights na pangungunahan ng tapatan nina “The Burmese Python” at two-division champion Aung La N Sang (26-10-1) ng Myanmar at undefeated fighter Reinier De Ridder (12-0) ng The Netherlands para sa ONE Middleweight World championships, habang itataya rin ni American-Canadian Christian Lee (13-3) ang kanyang ONE Lightweight world title laban saw ala pang talong si Iuri Lapicus ng Moldova.
Ipagtatanggol ni Vietnamese/Australian Martin “Situ-Asian” Nguyen (13-3) ang kanyang ONE Featherweight belt kay American-Vietnamese Thanh Le (11-2), samantalang pipiliting mapanatili ni Chinese Xiong Jing Nan (14-2) ang ONE women’s strawweight title kay Singaporean boxer Tiffany Teo (9-1).
Tampok din ang paghaharap nina dating two-time ONE lightweight champion Eduard “Landslide” Folayang (22-9) ng Team Lakay mula Pilipinas at Antonio “The Spartan” Caruso (7-1) para sa lightweight match, gayundin ang harapan nina wrestler Ritu Phogat ng India (2-0) at Nou Srey Pov (1-1) ng Cambodia para sa women’s Atomweight bout. “This will be the first time that there will be a 4-title fights and I’m most excited on the fight between Martin [Nguyen] and Thanh Le because their finishing rates are high, and I think it will be explosive and fun, but of course I’m also expecting a lot between Aun lang and Ridder,” pahayag ni ONE Chairman at CEO Chatri Sityodtong sa ginanap na online-virtual press-conference nitong Biyernes ng hapon. “It’s the biggest card of the year and so much anticipation, and expect finishes in any minute,” dagdag ng Thai executive and entrepreneur.
Nagsimulang magbukas ang unang salvo ng ONE championship fight noong Hulyo 31 sa crowd-less na ONE: No Surrender sa Impact Arena sa Bangkok, Thailand, na siyang nagsimulang magbigay ng liwanag sa Asian-brand MMA event.
Sinabi rin ni Sityodtong sa panayam ng isang website na isang karangalan mula sa pamahalaan ng Singapore na maging kauna-unahang sporting event na ganapin sa kanilang bansa, ngunit umaasa itong mabuksan na ang iba pang daan sa ibang Asya para pagganapan ng kanilang event.





Comments