25-anyos, ika-4 na kaso ng monkeypox – DOH
photoni Lolet Abania | August 22, 2022

Kinumpirma ng Department of Health (DOH) ngayong Lunes ang ika-4 na kaso ng monkeypox na isang Pilipino, subalit wala itong dokumentadong travel history sa anumang bansa na may naitalang kaso ng nasabing sakit.
Isang 25-anyos na pasyente ang nakumpirmang positibo sa monkeypox sa pamamagitan ng PCR test na ang resulta ay nai-release noong Agosto 19. “[The case] is being cared for and is admitted in an isolation facility,” pahayag ng DOH.
Ayon sa DOH, 14 naman ang natukoy na naging close contacts ng pasyente.
Nasa isolation facility at sumasailalim na sa quarantine ang pito sa close contacts. Isang healthcare worker naman ang self-monitoring na sa ngayon, habang ang estado ng anim ay bineberipika pa.
Noong nakaraang linggo, nakumpirma ang 2 dagdag na kaso ng monkeypox mula sa dalawang Pilipino na may travel histories, habang ang unang kaso ay mayroon ding travel history.
“All four confirmed Monkeypox cases in the Philippines are unrelated to each other,” saad ng DOH.
“The first case has already recovered and been discharged from isolation as of August 6, 2022.
The second and third cases are still in home isolation and in stable condition. No new contacts of these cases have been identified,” dagdag pa ng ahensiya.





Comments