top of page

24 na koponan, maglalaban sa NBTC National Finals

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 4, 2023
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | March 4, 2023




Magtitipon ang mga nangungunang High School player ng Pilipinas sa Smart National Basketball Training Center (NBTC) National Finals sa Marso 15 hanggang 19 sa MOA Arena. Matapos lumiban ng apat na taon, naghanda ang pamunuan ng maraming pagbabago.


Ayon kay NBTC Program Director Coach Eric Altamirano sa eksklusibong online panayam sa BULGAR Sports Beat, maliban sa collegiate, maaaring lumahok na ang mga club. Kasama ang 8 koponang – Fil-Am Select at Team United ng Estados Unidos, Winnipeg at Toronto ng Canada, Rome Elite ng Italya, Pinoy Mavs ng New Zealand, Homegrown Crusaders ng Australia at Dubai Patriots ng United Arab Emirates.


Maging ang mga lokal na kalahok na Pampanga Delta, Team Tarlac, Doc Boleros ng Metro Manila, University of Luzon, St. Benilde International School ng Laguna, Philippine Christian University-Dasmarinas, Batang Tiaong, Royal Star Trading-Don Bosco ng Dumaguete, Ateneo de Cebu, Level Up ng Davao, Holy Trinity College ng General Santos at ang magiging kampeon ng Batangas. Upang mabuo ang 24 koponan, may nakalaan na tig-dalawang upuan para sa UAAP at NCAA na kasalukuyang tinatapos ang kanilang mga torneo.


Nagbunutan ang mga koponan ng makakalaro at ang 12 magwawagi ay hahatiin sa apat na grupo ng tatlo upang ipagpatuloy ang lakbay patungo sa kampeonato. Ang 12 na hindi papalarin ay maglalaro pa rin para sa kampeonato ng Division II.


Gaganapin ang NBTC All-Star Game kasabay ng mga palaro ng Slam Dunk at Three-Points. Para sa mga coach, magkakaroon muli ng NBTC Coaches Convention kung saan may inimbitang mga batikang coach na magbabahagi ng kanilang kaalaman.


Bahagi ng kanilang mga unang taon, magbabalik ang kompetisyon para sa mga kababaihan tampok ang walong koponan sa pangunguna ng Nazareth School at Fil-Am Select. Magkakaroon din ng torneo sa 3x3.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page