24/7 Libreng Sakay ng EDSA Carousel, start na sa Dis. 1 – DOTr
ni Lolet Abania | November 15, 2022

Magsisimula na ng mas maagang petsa ang 24/7 operations para sa libreng sakay ng EDSA Busway sa Disyembre 1, 2022, ayon sa Department of Transportation (DOTr) ngayong Martes.
Una nang naiskedyul ang 24/7 operations ng free rides sa EDSA Carousel ng Disyembre 15.
Sa isang statement ng ahensiya, binanggit nito na nagbigay ng direktiba si DOTr Secretary Jaime Bautista sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ipatupad ng mas maaga ang 24/7 operations.
“Ang inisyatibong ito ng DOTr at LTFRB ay paraan upang siguruhin na may masasakyan ang lahat ng ating mga pasahero beyond the usual operating hours sa EDSA Busway,” pahayag ni Bautista.
Ginawa ang magdamagang operasyon ng Libreng Sakay sa EDSA Carousel dahil sa inaasahang pagdami ng mga pasahero lalo na’t papalapit na ang Kapaskuhan at ang adjusted mall hours sa Metro Manila na mula alas-11:00 ng umaga hanggang alas-11:00 ng gabi.
Ayon sa DOTr, ang LTFRB ay mag-iisyu ng Board Resolution para gawing pormal ang implementasyon nito sa Disyembre 1 sa ilalim ng Service Contracting Program (SCP).
Matatandaan na noong Agosto 16, ang Department of Budget and Management (DBM) ay nag-provide ng P1.4 billion karagdagang pondo para i-extend ang libreng sakay sa EDSA Busway.





Comments