top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

23 Pinay na kakatawan sa AFC Cup, ipinakilala na

BULGAR
Jan 13, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 13, 2022




Ipinakilala na ng Philippine Football Federation (PFF) ang 23 magiting na Filipina na kakatawanin ang bansa sa 2022 AFC Women’s Asian Cup India na magsisimula sa Enero 20. Ang koponan ay isang magandang kombinasyon ng mga subok na beterana at mga baguhan na handang magpakilala sa pinakamalaking torneo ng football ng kababaihan sa Asya at qualifier para sa 2023 FIFA Women’s World Cup sa Australia at New Zealand.

Bilang pagkilala sa magandang ipinakita sa qualifiers noong 2021 sa Uzbekistan, itinalaga bilang kapitana si midfielder Tahnai Annis. Maliban kay Annis, kasama sa listahan ang iba pang mga beterana ng qualifiers na mga goalkeeper na sina Inna Palacios at Olivia McDaniel, mga defender Hali Long, Ryley Bugay, Tara Shelton at Sofia Harrison, mga midfielder Cam Rodriguez, Sara Castaneda, Anicka Castaneda, Jessica Miclat, Malea Cesar at forward Chandler McDaniel.

Inaasahan na lalakas ang opensa ng koponan sa pagbabalik ng mga matinik na forward na sina Sarina Bolden, Eva Madarang at Quinley Quezada na hindi nakalahok sa qualifier dahil naglalaro sila noon sa kanilang mga koponan sa Japan at Espana. Isa pang beterana na babalik ay si defender Morgan Brown na huling nakita noon pang 2018 AFC Women’s Asian Cup sa Jordan.

Maganda din ang potensyal ng mga rookie sa pambansang koponan na sina goalkeeper Kiara Fontanilla at mga defender Katrina Guillou, Dominique Randle at Isabella Flanigan. Inakyat mula sa Under-16 at Under-14 sina midfielder Keanne Alamo at forward Carleigh Frilles.

Ang Pilipinas at ang isa sa kanilang makalalaro na Australia ay tabla para sa may pinakamaraming manlalaro na naglalaro sa ibayong dagat na 17. Sina Palacios, Shelton, Long, Rodriguez at magkapatid na Castaneda ang anim na naka-base sa Pilipinas.

“I’ve got a lot of hope and a lot of belief that we can actually achieve the goal,” wika ng 48-anyos na si Coach Stajcic na itinalaga nitong nakaraang Oktubre lang. “The player are all aligned and driven to succeed as one and that’s what we have to do to give ourselves every possible chance of getting one of those sports for the World Cup.” (A. Servinio)


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page