2024 Paris Olympics, puntirya para makabawi at magtagumpay
ni Gerard Arce - @Sports | August 09, 2021

Natuldukan sa wakas ng 30-anyos mula Zamboanga City na women’s weightlifter ang 97-taong pangungulila sa gintong medalya nang buhatin ang makasaysayang panalo sa Tokyo Olympics matapos ang silver medal finish sa 2016 Rio Olympics.
Binitbit ang 224kgs at 127kgs na Olympic record sa clean and jerk kasama ang 97kgs sa snatch para talunin ang World No.1 na si Liao Quiyun ng China. Gayunpaman, tila wala pang planong bitawan ng 2018 Jakarta-Palembang Asiad at 2019 SEAG champion ang mga mabibigat na bakal dahil pupuntiryahin pa ang 31st SEAG, 2022 Hangzhou Asian at 2024 Paris Olympics, na maaaring huling Olympiad na nito.
Sa kabilang banda nagtapos sa 11th place si Ernest Obiena sa men’s pole vault na umabot sa final round, ngunit hindi pinalad na mas makausad pa sa 5.80-meter mark matapos makumpleto ang 5.70m, kung saan may personal best at national record ito na 5.87meters. Hindi lubos maisip na hindi makukuha ng 25-anyos na 2019 Universiade title holder ang kahit anong medalya, at umaasang muling makababalik sa mga international competitions, partikular na sa 31st SEAG, Hangzhou Asian Games at maaari ang 2024 Paris Olympics.
Nakatuntong ng quarterfinals ang pambato ng Atimonan, Quezon na si Cris Nievarez ng magtapos ito ng 23rd overall sa SEA Forest Waterway. Nakamit ng 21-anyos na rower ang kanyang Olympic best-time record nitong 7 minutes, 21.28 seconds na nagtapos sa 5th place finish sa classification final D sa men’s singles sculls event para daigin ang preliminary round na oras sa 7:22.97.
Bukod kay gymnast Carlos Yulo, rumehistro rin ng magkakahiwalay na national record sina men’s swimmer Luke Gebbie at women’s weightlifter Elreen Ando, na lumangoy ng 49.64 sa 100-meter freestyle at pinakamabigat sa women’s 64kgs category na 100kgs sa snatch, 122kgs sa clean at jerk at kabuuang 222kgs, ayon sa pagkakasunod. Nagtapos si Ando sa 7th place overall na inihahandang mabuti ni Samahang Weightlifting ng Pilipinas Inc. (SWPI) President Monico Puentevella sa 2024 Paris Olympics kasama sina Diaz, Vanessa Sarno, Kristel Macrohon at Rosigne Ramos.
Sumabak din sa kani-kanilang laban sina shooter Jayson Valdez (44th place sa qualification), judoka Kiyomi Watanabe sa round-of-32 eliminations ng women’s 63kgs, sprinter Kristina Knott sa women’s 200-m sa oras na 23.80 seconds 5th sa Heat 7, Taekwondo Jin Kurt Barbosa sa round-of-16 kontra Korean Jun Jang at ang pagreretiro ni swimmer Remedy Rule sa 100-m butterfly event sa 58.68 seconds.





Comments