Maaari bang maging miyembro ng SSS ang housewife?
- Buti Na Lang May SSS
- May 17, 2020
- 2 min read
Buti na lang may SSS

Dear SSS,
Magandang araw SSS! Ako ay housewife at nagtatrabaho naman sa isang kumpanya ang aking asawa. Naghuhulog sa SSS ang asawa ko at nais ko sanang maghulog din sa SSS, ngunit wala akong trabaho. May paraan ba upang maging miyembro ako? Salamat! – Sonia
Sagot
Mabuting araw, Sonia! Marami pa sa ating mga maybahay ang hindi nakakaalam na may programa ang SSS sa ilalim ng Non-Working Spouse (NWS) Coverage na ipinatupad noong 1995 kung saan maaaring makapaghulog ang legal na asawa ng isang aktibong nagbabayad na miyembro ng SSS na hindi nagtatrabaho at ginugugol ang buong oras sa pag-aasikaso sa kanilang pamilya. Maaaring babae o lalaking asawa ito ng working spouse na miyembro ng SSS kung saan kinakailangan ang pahintulot ng kanyang asawa na siyang magbibigay ng kanyang panghulog sa NWS para sa kanyang kontribusyon sa SSS.
Para mag-qualify, hindi ka kailanman dapat naging miyembro o naghulog sa SSS at ikaw ay wala pang 60-anyos. Ang halaga ng iyong magiging kontribusyon ay ibabatay naman sa 50% o kalahati ng monthly salary credit o ang salary level kung saan ibinase ang buwanang inihuhulog ng iyong asawa sa SSS, ngunit hindi ito dapat bababa sa P1, 000.
Halimbawa, si Pedring ay empleyado sa kumpanya na ipinapaghulog ng kanyang employer ng regular sa SSS. Nakabatay ang hulog niya sa P10, 000 monthly salary credit at ito ay katumbas ng P1, 200 na kontribusyon kada buwan. Si Melanie na kanyang asawa ay maaaring maghulog ng P600 na kontribusyon kada buwan bilang NWS na ibinatay sa P10, 000 monthly salary credit (kalahati ng monthly salary credit ni Pedring).
Kung natugunan mo ang mga kuwalipikasyong nabanggit, kinakailangan mong ipasa ang Personal Record (E-1 Form) na may pirma ng iyong asawa sa pinakamalapit na sangay ng SSS. Kalakip sa E-1 Form ang certified true copy ng inyong marriage certificate, gayundin ang birth certificate ng inyong mga anak kasama ang certified true copy ng iyong birth certificate. Kung wala ka ng mga nabanggit na mga dokumento, maaaring ipasa ang kopya ng 2 valid IDs tulad ng Voter’s Registration ID, atbp. upang magbigyan ka ng SS number. Matapos nito, maaari ka ng magbayad ng iyong kontribusyon kada buwan o quarterly sa alinmang bangko o tellering facilities ng SSS. Tandaan na kinakailangan mong magrehistro sa My.SSS Facility o sa SSS Mobile Application para sa kaukulang Payment Reference Number o PRN para sa kaukulang pagbabayad ng iyong kontribusyon kada buwan.
Mahalaga na ang isang NWS ay regular na naghuhulog ng kontribusyon upang maging kuwalipikado ka sa mga benepisyo ng SSS bunsod ng pagkakasakit, panganganak, pagkabalda, pagreretiro, pagpapalibing at pagkamatay. Maaari ka ring makahiram sa mga pautang ng SSS tulad ng salary, calamity, educational assistance loan, atbp.
Kung mayroon man kayong mga katanungan tungkol sa SSS o mayroon kayong topic na nais matalakay sa kolum na ito, maaari ninyo kaming i-email sa mediaaffairs@sss.gov.ph.








Comments