top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Tatlong buwang moratorium ng Pag-IBIG Housing Loan

Persida Acosta
May 15, 2020
2 min read

Dear Chief Acosta,

Ako ay nakabili ng bahay ng aming pamilya noong nakaraang taon sa pamamagitan ng pag-avail ng Pag-IBIG Housing Loan. Sa kasamaang-palad ay nawalan ako ng kita dahil sa enhanced community quarantine (ECQ) at ang kompanyang pinapasukan ko ay nagpapatupad ng “no work, no pay”. Nabasa ko na ang buwanang renta ng mga residential houses ay nabigyan ng grace period, kabilang na ang bayarin sa credit card, kuryente at marami pang iba. Maaari rin ba akong makahingi ng grace period mula sa aking loan sa Pag-IBIG? – Mateo

Dear Mateo,

Para sa inyong kaalaman, ang Pag-IBIG Fund ay nag-aalok ng tatlong (3) buwang moratorium o postponement sa pagbabayad ng loan para sa mga miyembrong may Pag-IBIG Housing Loan na lubos na naapektuhan ng sitwasyong dulot ng enhanced community quarantine (ECQ). Ayon sa Pag-IBIG, ang mga loan payments na kailangang bayaran mula Marso 16 hanggang Hunyo 15, 2020 ay uurong at magreresulta sa pagpapahaba ng loan term ng tatlong (3) buwan.

Maaari itong apply-an ng mga miyembrong kasalukuyang may Pag-IBIG Fund Housing Loan na lubos na naapektuhan ang pangkabuhayan at kita dahil na rin sa pagpapatupad ng ECQ sa ating bansa. Tulad ng sinabi mo sa iyong liham, ikaw ay nawalan ng kita dahil sa pagsasailalim ng bansa sa state of public health emergency at pagpapatupad ng kompanyang iyong pinapasukan ng polisiyang “no work, no pay” kaya naman ikaw ay puwedeng mag-apply para sa moratorium lalo na kung updated ang inyong pagbabayad ng loan bago ang Marso 16, 2020.

Ngunit pinapaalala rin ng Pag-IBIG na ang pag-apply sa moratorium ay isasailalim pa rin sa evaluation, ayon na rin sa patakaran na nilaan ng ahensiya. Ipapaalam ng Pag-IBIG ang resulta ng application sa pamamagitan ng text o e-mail. Maaari kayong mag-apply para sa moratorium hanggang Hunyo 15, 2020.

Sana ay nasagot namin ang inyong katanungan. Tandaan na ang aming opinyon dito ay nakabatay lamang sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang aming opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa isang abogado.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page