Bago pa lumipat sa iba ang mga foreign investors sa bansa, ‘wag magpatumpik-tumpik, trabahuhin na!
- Imee R. Marcos
- May 13, 2020
- 2 min read
“Daig ng maagap ang masipag.” ‘Yan ay matandang kasabihan na hanggang ngayon ay alam at pinaniniwalaan din ng mga bata. At true ang kasabihang ito lalo ngayong nagbabalak nang lumayas ang mga manufacturer sa China at nagpaplanong ilipat ito sa ibang bansa sa Asya.
Aba! Hindi tayo dapat magpatumpik-tumpik dito, dahil malaking oportunidad ang kumakaway at kailangan saluhin natin ito agad-agad para magkaagtrabaho ang mga maraming Pinoy na nawalan ng trabaho dahil sa lockdown dulot ng COVID-19.
Dapat maging alisto ang ating economic managers para malaman kung anu-ano ang alok na mga insentibo ng Vietnam, Thailand, Malaysia at Indonesia sa mga dayuhang investor! Hindi tayo dapat tutulug-tulog sa pansitan.
Mahikayat sana natin ang mga foreign investor na tulad ng Japan, U. S. at European Union na planong ilipat ang produksiyon ng kanilang crucial imports dahil sa shortage ng supply dulot ng Global pandemic.
Gayundin ang mismong Chinese manufacturers na umiiwas sa mataas na taripa ng U. S. sa mga produktong gawa sa China para sa U. S. companies tulad ng Apple, Google at Microsoft.
Kaya mega push ang lola ninyo na maamyendahan ang Senate Bill 1024 o Foreign Investment Act para sa incentive na aakit sa investors tulad ng increase sa foreign ownership limit, pagbaba ng 2.5 million dollars na required na kapital para sa isang negosyo, pagpapadali ng pagkuha ng permit mula sa pamahalaan, at gawing kasong kriminal ang anumang pagkakamaling may kinalaman sa pagkuha nito.
Hindi dapat maunahan ang ‘Pinas lalo na sa pagtatapyas ng corporate income tax tulad ng India na matagal na nating karibal sa manufacturing at BPOs na balita ko, eh, nakikipagnegosasyon sa mga Japanese Investors pati ang Indonesia na magtatapyas ng Corporate income tax sa susunod na taon.
Maging ang Citira Bill, eh, repasuhin ‘yan para manatili sa export zones natin ang manufacturing companies at makaakit ng iba pang foreign investors. Tara na, kilos na!





Comments