top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Basehan para makasuhan ng pangangaliwa ang may kabit na misis

Persida Acosta
Mar 13, 2020
2 min read

Dear Chief Acosta, Nagtatrabaho ako bilang security guard sa Laguna. Ang asawa at anak ko na siyam na taong gulang ay nakatira sa Davao. Kamakailan, umamin sa akin ang anak ko na mayroon daw lalaking karelasyon ang nanay niya at ito raw ay madalas natutulog sa aming bahay sa Davao. Napakasakit malaman na habang ako ay nagtitiis sa malayo para sa kanila at para na rin sa aming ikabubuhay ay niloloko na pala niya ako. Nais ko sana siyang sampahan ng kaso. Sana ay mapayuhan ninyo ako. - Leo

Dear Leo, Batay sa Article 333 ng ating Revised Penal Code:

“Adultery is committed by any married woman who shall have sexual intercourse with a man not her husband and by the man who has carnal knowledge of her knowing her to be married, even if the marriage be subsequently declared void.”

x x x

Upang makasuhan ninyo ang inyong asawa para sa krimen na Adultery, mahalagang kayo ay legal na kasal ng iyong asawa. Ibig sabihin, kayo ay pinagbuklod ng kasunduan ng kasal o contract of marriage.

Sa panahon ngayon, maluwag na ginagamit ang salitang “asawa” na minsan ay nagagamit ito ng mga taong magkarelasyon o magka-live-in lamang, ngunit, walang kasunduan ng kasal sa pagitan ng mga partido. Maliban dito, kinakailangan na mayroon kang ebidensiya na sadyang may relasyong seksuwal sa ibang lalaki ang inyong asawa at alam ng lalaking ito na kasal ang inyong asawa.

Kung mayroon ang mga elemento ng krimen na nabanggit ay maaari kang maghain ng reklamo sa tanggapan ng piskalya na nakasasakop sa lugar kung saan partikular na naganap ang akto o mga akto ng pakikiapid ng iyong asawa sapagkat ang ating mga batas- kriminal tulad ng Article 333 ng Revised Penal Code ay territorial in nature.

Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa isang abogado.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page