Abusadong resellers ng alcohol, sanitizers etc., kulong!

Sa kabila ng apela ng gobyerno sa publiko na ‘wag mag-panic-buying at mag-hoard ng mga alcohol, hand sanitizer, tissue at face mask sa gitna ng pag-atake ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), marami pa ring kumakalat sa social media na nagkakaubusan na ng supply ng mga nabanggit na produkto sa mga pamilihan.
Dahil dito, nagbabala ang Malacañang na papatawan ng kaukulang parusa ang sinumang mananamantala sa sitwasyon dahil nakagagawa lang ito ng pagtaas sa presyo ng bilihin.
Gayundin, hindi umano sasantuhin ng Palasyo ang mga reseller na nagbebenta ng sobra-sobrang presyo ng basic commodities.
Bago ito, nagkalat sa socmed ang mga post ng ilang resellers ng alcohol at hand sanitizers na doble o triple ang halaga kumpara sa orihinal na presyo.
Maraming nabahala dahil kahit ubod nang mahal, pinapatulan pa rin ng ilan dahil sa pangambang wala nang madatnan sa pamilihan.
Paanong hindi magkakaubusan, eh, halos limasin ng ilang kababayan nating resellers ang laman ng mga estante sa mga grocery?
Mabuti sana kung ipinamumudmod sa mga walang pambili ‘yung hinakot nila, kaso hindi naman.
Ang hindi nila alam, dahil sa istayl nila, lalo lang kakalat ang virus dahil marami ang mawawalan ng access sa basic commodities.
‘Yung iba naman, natatakot lang talaga kaya kahit hindi kailangan, bumibili pa rin para makasiguradong may magagamit. Nandu’n na tayo sa paninigurado, pero paano ‘yung iba?
Nakalulungkot lang dahil sa ganitong sitwasyon sa bansa, nangingibabaw pa rin ang pagiging sugapa sa pera ng ilan.
Kaya ‘yung mga buwakaw na resellers d’yan, kung hindi kayo madaraan sa pakiusap, pasensiyahan na lang at magkita-kita kayo sa kulungan ng mga kapwa n’yo mapagsamantala.
Dapat lang ‘yan sa inyo para malaman ninyong hindi tama ang inyong ginagawa at nagiging sanhi kayo ng paglala ng problema.
Tingnan lang natin kung mapakikinabangan ninyo sa kulungan ang kinita n’yo sa pagiging gahaman.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments