top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

Graduation, stop dahil sa COVID-19

Kuya Win Gatchalian
Mar 12, 2020
2 min read

Ang Pilipinas ay nasa state of public health emergency dahil sa nakaaalarmang Coronavirus Disease o COVID-19. Dahil dito, inuudyukan natin ang Department of Education (DepEd) na suspendihin muna ang lahat ng graduation ceremonies, kabilang na rito ang preschool graduation rites at moving-up ceremonies. Dapat isama ring suspendihin ang graduation rites ng mga daycare center.

Sa mabilis na pagdami ng bilang ng mga pasyenteng nagpositibo sa nasabing sakit, hindi na natin dapat hintayin pang magkaroon ng kumpirmadong kaso sa ating mga mag-aaral, magulang, guro at iba pang mga kawani sa paaralan.

Upang masiguro natin ang kanilang kaligtasan, mainam na ipagpaliban muna ang mga seremonya ng pagtatapos, pati na rin ang iba pang malalaking pagtitipon na may kaugnayan sa pagkumpleto ng mga requirement ng mga ga-graduate.

Dapat sundin ng DepEd ang mga rekomendasyon ng World Health Organization (WHO), lalo na ang pag-iwas sa mga pampublikong pagpupulong.

Kapag ganitong okasyon din kasi umuuwi sa bansa ang ilan nating overseas Filipino workers (OFWs) kung saan marami sa kanila ay magulang o kamag-anak ng mga magsisipagtapos.

Dahil sa daang-libong kaso ng COVID-19 sa buong mundo, mayroong tsansa na makompromiso ang kaligtasan at kalusugan ng mga mag-aaral, guro at school personnel na pupunta sa seremonya.

Sa mga panahong ito, inaasahan natin ang mas matinding paghahanda at pagkilos ng DepEd sa pag-monitor at pagtulong sa indibidwal na nagpapakita ng mga sintomas ng COVID-19, kabilang na ang paghahanda ng isolation at treatment facilities.

Bukod dito, hinihikayat din ng inyong lingkod ang buong pamahalaan na maging maagap at aktibo sa pagtukoy sa mga indibidwal na pinangangambahang may COVID-19.

Sa pag-akyat ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa, dapat mas paigtingin na ng mga local government unit (LGU) ang kanilang mga hakbangin upang matukoy kung sino ang mga nanganganib na magpositibo sa sakit na ito at mabigyan sila ng angkop na tulong-medikal. Sa ganitong krisis, mahalaga ang pangunguna ng mga lokal na pamahalaan dahil mas alam ng mga ito ang mga pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan.

Sila ang kailangang manguna sa pagsuri sa mga residenteng may lagnat, ubo at iba pang kumplikasyon sa pamamagitan ng pagbisita sa pinakamalapit na testing facility.

Dahil dito, tinatawagan natin ang atensiyon ng Department of Interior and Local Government (DILG) upang matiyak ang istriktong pagsunod ng mga LGU sa Memorandum Circular 2020-018 tungkol sa obligasyon ng mga gobernador, alkalde at punong barangay sa pagresponde sa krisis na ito.

Nakasaad sa naturang memorandum ang pagkakaroon ng Barangay Health Emergency Response Teams (BHERTs). Sa bawat BHERTs ay mayroong isang barangay executive officer, isang barangay tanod at dalawang health workers.

Nakadestino ang BHERTs na bisitahin ang mga tahanan ng mga residenteng nanggaling sa ibang bansa na na-expose sa COVID-19. Magpapatupad ito ng 14 araw na quarantine at observation period at kung may lumabas ngang sintomas ay dadalhin sila sa pagamutang inendorso ng DOH.

Sa pamamagitan ng komprehensibong pamamaraan ng gobyerno at pagtutulungan ng bawat isa, maayos nating matutugunan ang mga pangangailangan ng mamamayan kaugnay sa pagsubok na ito.

Manatili tayong tumutok sa balita at higit sa lahat, panatilihin ang kalinisan sa sarili, mga bata at kapaligiran upang maiwasan ang anumang uri ng sakit.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page