- Kuya Win Gatchalian

Aprubado na sa pangatlo at panghuling pagbasa ang ating panukala sa Senado na naglalayong buksan ang klase paglagpas ng Agosto.
Nagpapasalamat tayo sa tulong ng ating mga kapwa mambabatas na ating katuwang sa pagpapasa ng Senate Bill (SB) No. 1541, kung saan ang inyong lingkod ay co-author at sponsor.
Ang naturang panukala ay nag-aamyenda sa Section 3 ng Republic Act (RA) No. 7797 o ang “Act to Lengthen the School Calendar from 200 Days to Not More Than 220 Class Days” kung saan puwedeng iurong ang pagbubukas ng klase mula unang lunes ng Hunyo hanggang sa pinakahuling araw ng Agosto kapag may kalamidad o ‘pag nasa state of emergency ang bansa.
Kapag tuluyan nang naging batas ang SB 1541, inaasahang magbubukas ang klase paglagpas na ng Agosto. Binibigyan nito ng kapangyarihan ang Pangulo ng bansa na magtakda ng petsa sa pamamagitan ng rekomendasyon mula sa Department of Education (DepEd).
Kaya para sa School Year 2020-2021, maaari itong maging Setyembre o lagpas pa. Sakop ng mandatong ito ang lahat ng mga basic education institutions, kabilang na ang mga international schools.
Alang-alang sa kaligtasan at kapakanan ng mga mag-aaral, guro at non-teaching personnel, nakadepende ang desisyon sa kalagayan ng ating bansa sa laban sa kasalukuyang pandemya — kung patuloy pang umakyat ang bilang ng kaso ng COVID-19.
Mahalaga ang pagpasok sa eskuwelahan ng mga bata, ngunit higit na mahalaga ang kanilang kaligtasan at kalusugan. Kaya bigyan natin ng pagpapasya ang Pangulo ng Pilipinas at ang Kalihim ng Edukasyon para baguhin ang petsa ng pasukan sa panahon ng pandemya habang walang kasiguraduhan sa kaligtasan at kalusugan ng kabataang Pilipino.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

